
MANILA (Mindanao Examiner / Feb. 4, 2013) – Binatikos ng pamunuan ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) party list group ang malamig na pagtanggap ng Malacañang sa paglalabas ng isang Executive Order na kahalintulad ng Freedom of Information (FOI) Bill.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, ayaw na nga itong sertipikahang urgent ni President Benigno Aquino, ibinabasura pa ang isang opsyon upang maipatupad ito.
“Nasaan na ang sinasabi niyang pumapanig siya sa media?” ani Yap. “FOI Bill nga lamang hindi niya mapayagang maipasa, paano pa malulutas ang mga media killings? Ito ba ang sinasabi niyang tuwid na daan? Parang hindi naman,” ani Yap.
Matatandaang ipinanukala ni Sen. Edgardo Angara na kung hindi kayang maipasa ang FOI Bill bago mag-recess ay gawin na lamang itong EO.
Gayunman, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na kahit walang EO ay matagal nang nagpapatupad ng transparency measures ang administrasyong Aquino, kung saan ang halimbawa umano nito ay ang advocacy site ng Department of Budget and Management na Budget ng Bayan, zero-based budgeting at ang pagsali sa mga stakeholders sa paggawa ng budget ng gobyerno.
Binanggit din niya ang paglalagay sa website ng gobyerno ng inilalabas na Priority Development Assistance Fund o pork barrel ng mga mambabatas.
Gayunman, sinabi ni Yap na ang mga inilalagay sa website ng gobyerno ay ang nais nilang malaman ng bayan. Nakatago pa rin umano ang mga anomalya, na makikita lamang kung huhukaying mabuti.
Idinagdag pa ni Yap na kakaunti na ang session days ng Kongreso at hindi na kakayaning ipasa ang FOI Bill.
Ayon naman kay ALAM President Berteni Causing, parang may kinatatakutan si PNoy kaya hindi niya masertipikahang ‘urgent’ ang FOI Bill.
“Sa dami ng mga batas na hindi naman gaanong mahalaga na sinertipikahan niyang ‘urgent,’ bakit itong FOI Bill lagi na lamang nasasantabi?” ani Atty. Causing. “Sa tingin namin, ayaw rin ni PNoy na maipasa yan. Bakit kaya? May itinatago rin ba siya? O baka may kinalaman na naman dito ang KKK niya. Yung mga Kaibigan, Kamag-anak at Kabarilan.”
Nagkaisa ang mga pamunuan at mga miyembro ng National Press Club, Alyansa ng Filipinong Mamamahayag, National Union of Journalists in the Philippines, Philippine Press Institute at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas na igiit sa Kongreso na maipasa ang FOI bill bago ang kanilang mahabang bakasyon bilang paghahanda sa eleksyon sa Mayo.
“Alam naming nagkakaisa at umaasa ang lahat ng miyembro ng media – print man, radio, TV at online – sa kahilingang ipasa ang FOI Bill ng House of Representatives,” ani Yap. “Isa itong constitutional obligation na hindi dapat nakaaapekto sa pansarili nilang concerns. Hindi sila dapat matakot na maaabuso sila ng media dahil kung wala naman silang bahong itinatago, kahit ano pang gawin ng kahit sino ay wala silang mahuhukay na skeleton in the closet.”
Sa administration draft ng FOI Bill na isinumite sa Congress, hinihingi ang online publication ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth ng pangulo, Vice President, miyembro ng gabinete, mga mambabatas, miyembro ng Korte Suprema, mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines na ang ranggo ay mula sa heneral hanggang flag officer, at mga miyembro ng Constitutional commissions aat iba pang constitutional offices. (Nanet Villafania)