
MANILA (Mindanao Examiner / Jan. 28, 2013) – Ipinaabot ngayon ni San Juan Rep. JV Ejercito Estrada ang kanyang lubos na pasasalamatsa publiko matapos na ilabas ng Social Weather Stations-BusinessWorld ang pinakabago nilang survey na nagpapakita ng kanyang tuluy-tuloy na pag-angat sa ranggo sa mga kandidatong tumatakbong Senador.
Umangat ang ranggo ni Ejercito Estrada sa pang-apat na pwesto sa “January 2013 Pre-Election Survey on voters’ Senatorial Preferences” na isinagawa noong Enero 17-19. Ang nakababatang mambabatas ay pang-lima sa survey na isinagawa noong Disyembre. Ang kandidato ng United Nationalist Alliance (UNA) ay pinaboran ng 53 porsyento ng mga respondents sa January 2013 survey.
Malaki ang inilundag ng bagong ranggo ng mambabatas mula sa ika-walong pwesto na naitala niya sa August 2012 SWS-BusinessWorld survey.
“Nais kong pasalamatan ang publiko sa inyong patuloy na pagsuporta sa akin. Isang karangalan para sa akin na ako ay pagtiwalaan ng sambayanan. Muli, maraming salamat,” ani Ejercito Estrada.
Base sa mga surveys ng SWS at Pulse Asia, ang mambabatas mula sa San Juan ay isa sa mga paboritong kandidato ng mga Pilipino sa pagka-Senador. Sa isinagawang survey ng Pulse Asia noong Nobyembre 23-29, pumang-apat din si Ejercito Estrada sa mga kandidatong nais ihalal ng mga tao sa pagka-Senador sa Mayo.
Umaasa si Ejercito Estrada na patuloy na susuportahan ng taumbayan ang kanyang kandidatura.
Naniniwala si Ejercito Estrada na nakatulong ang pagdayo ng UNA sa iba’t-ibang lugar sa Luzon simula noong Enero 13 sa pag-angat ng ranggo niya sa survey ng SWS-BusinessWorld
Sinabi rin niya na ang kanyang pagiging aktibo sa Internet at ang suporta ng mga “Facebook friends” at “Twitter followers” niya ay nakatulong upang lalong siyang makilala ng publiko. Dumoble ang bilang ng “Facebook friends” at “Twitter followers” ni Ejercito Estrada sa simula ng taon.
“Malaking tulong ang social media sa pakikipag-ugnay ko sa publiko,” ani Ejercito Estrada. “Dahil isa akong aktibong ‘netizen,’ naipaaabot ko sa aking ‘Facebook friends’ at ‘Twitter followers’ ang gawain ko sa araw-araw at ang paninindigan ko sa mga isyu na kinakaharap ng bansa.”