
ZAMBOANGA CITY – Nagpaalala ngayon ang Philippine Coast Guard sa mga fishing boat owners at operators, gayun rin sa mga ferry, na siguraduhin ang kaligtasan ng kanilang mga barko bago pumalaot upang matiyak na walang aberyang mangyayari sa kalagitnaan ng karagatan.
Ito’y matapos na mabutas ang isang trawler sa karagatan ng Basilan province – ilang milya lamang ang layo mula sa Zamboanga City – at pasukin ng tubig ang barko kamakalawa ng madaling araw.
Mabuti na lamang at nailigtas ang lahat ng halos dalawang dosenang crew nito ng ibang mga mangingisda at Coast Guard.
Hindi pa mabatid kung paano nabutas ang barko, ngunit sa dami ng tubig na pumasok sa engine room ay wala ng magawa ang kapitan nito kundi abandonahin ang trawler at humingi ng saklolo para sa kaligtasan ng lahat. Galing sa Zamboanga ang trawler at mangingisda sana sa Basilan Strait.
Ayon kay Lt. Jomark Angue, ng Coast Guard sa Zanboanga, ay mahigpit nilang binabantayan ngayon ang mga ferry dahil sa dami na rin ng mga pasahero habang papalapit ang kapaskuhan.
Mahigpit rin sa mga bagahe ang sundalo upang masigurong walang maipupuslit na bomba o pampasabog at armas sa mga ferry o barko sa Zamboanga at iba pang panig ng Mindanao na kung saan ay aktibo ang mga rebeldeng grupo, partikular ang Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na kaalyado ng al-Qaeda at Jemaah Islamiya. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/