
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 11, 2013) – Nadakip na rin sa wakas ng mga awtoridad ang isa sa mga diumano’y kilabot na drug pusher sa Isabela City sa Basilan province na sakop ng Muslim autonomous region.
Nahulog sa patibong ng mga awtoridad si Jose Dayrit matapos ng isang buy-bust operation sa Barangay La Piedad nitong Huwebes ng gabi. Nabawi rin kay Dayrit ang walong pakete ng hinihinalang shabu at ang marked money na ginamit ng mga anti-drug agents mula sa Illegal Drugs Operations Task Force.
Matagal ng pinaghahanap ng pulisya si Dayrit dahil sa walang humpay na pagtutulak diumano nito ng mga ipinagbabawal na droga. Matagal rin umanong pinalano ang operasyon kontra kay Dayrit hanggang sa makuha ng isang anti-drug agent ang tiwala nito at bentahan ng shabu.
Talamak ang bentahan ng shabu sa Basilan at ang pagkakadakip kay Dayrit ay itinuturing na malaking score ng pulisya sa kanilang kampanya kontra droga. (Mindanao Examiner)