
SAN FERNANDO CITY (Mindanao Examiner / Jan. 10, 2013) – Target ngayon ng Police Regional Office 1 ang halos sa 28,000 piraso ng iba’t ibang klase ng armas na hindi lisensiyado o kolorum na naglipana sa buong rehiyon.
Base sa pinalabas na datus ng pulisya ay nangunguna ang unlicensed firearms sa lalawigan ng Pangasinan na umabot sa 16,000; na sinundan ng lalawigan ng La Union na may bilang na 3,549; Ilocos Sur, na may 3,785 at mahigit na 3,000 naman sa probinsiya ng Ilocos Norte.
Ang mga nasabing armas ay pagaari ng mga sibilyan na hindi na umano ini-renew ang mga lisensiya ng kanilang baril.
Naunang sinabi ni Philippine National Police chief Director Alan LM Purisima na kukumpiskahin nila ang lahat ng mga armas na hindi lisensyado, ngunit maaarin naman itong i-deposito sa pulisya hanggang sa makakuha ang may-ari nito ng sapat na papeles upang maging legal na muli ang pagiingat ng armas. (Francis Soriano)