
MANILA (Mindanao Examiner / Jan. 10, 1013) – Kumilos na ang Alab Ng Mamamahayag (Alam) party list group upang kasuhan ng contempt ang Commission on Elections (Comelec) Chairman at mga Commissioners dahil sa pagsuway sa itinalagang Status Quo ng Korte Suprema (SC).
Ayon kay ALAM President Berteni Causing ay diumano’y ininsulto, nilait at inalipusta nina Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr at Commissioners Rene Sarmiento, Lucenito Tagle, Armando Velasco, Elias Yusoph, Christian Robert Lim, at Ma. Gracia Cielo Padaca ang pinakamataas na hukuman dahil sa hayagan nilang paglabag sa kautusan nito.
Bilang tugon sa petisyon ng ALAM at 12 iba pang party list groups dahil sa pagtanggi ng Comelec sa kanilang application for accreditation, nag-atas ang SC noong Disyembre 4, 2012 ng Status Quo order na nag-uutos ng “observe the status quo prevailing before the issuance of the Comelec resolutions.”
Ani Causing, ibinaba ng COMELEC ang Resolution No. 9467 na kung saan sa Seksyon 1 ay nasasaad na ang party list group na tinanggihan ng Comelec ngunit may nakabinbing petisyon sa SC ay pinapayagang sumali sa raffle para malagay sa balota ang PCOS.
Sinabi pa niyang ibinasura ng Comelec ang petisyon ng ALAM noong Nobyembre 7, 2012 at mula sa Hunyo 15, 2012 hanggang November 7 ay walang naganap na amyenda sa Resolution No. 9467.
Noong Enero 4, nakasali ang ALAM at iba pa sa raffle kung saan ang Slot No. 34 ay napunta sa kanila.
Ngunit ilang minuto matapos ang raffle, sinabi ni Brillantes sa media na hindi dapat kasama sa nasabing palabunutan ang ALAM at 12 pang baguhang aplikanteng party list groups.
Ani Causing, ang hayagang pagbalewala sa SC ay naganap dahil sa Resolution No. 9595 na ipinasa noong Disyembre 19, 2012 kung saan ipinagbabawal ang mga grupo ng party list sa pagsali sa raffle kung nabigong makakuha ng ng mandatory injunction.
Ani Causing, hindi pwedeng ikatwiran ni Brillantes na nalito siya sa kahulugan ng SQA dahil isa siyang bar topnotcher.
“All other commissioners aside from Padaca are topnotch lawyers, too, so that the cannot claim it was an honest mistake,” pahayag ni Causing sa Mindanao Examiner.
Sinabi pa niyang kung talagang nalito si Brillantes at iba pang commissioners, mas malinaw sana kung tinanong nila SC.
Ito na ang ikalawang pagkakataong sinuway ng COMELEC ang SC kung saan ang una ay kinasasangkutan ng Philippine Guardians Brotherhood, Inc. dahil hindi isinama ang kanilang grupo sa balota ng PCOS noong 2010 elections.
“It is dumbfounding to see how it happened that these supposedly intelligent officials forgot their own Resolution No. 9467 and failed to remember the first contempt judgment on them,” wika pa ni Causing. (Nenet Villafania)