
TUGUEGARAO CITY (Mindanao Examiner / Jan.6, 2013) – Hindi na nakapalag pa ang isang 31-anyos na ginang matapos mahulog sa ikinasang entrapment operation ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation dahil sa tangkang pagbenta sa sariling sanggol sa lungsod ng Tuguegarao.
Kinilala ng NBI-Cagayan Valley ang suspek na si Grace Aligado, nangungupahan lamang sa Soldiers Hill sa nabangit na lugar at tubong Antique.
Ayon pa sa NBI, nagpasaklolo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 matapos na itawag ng isang concerned citizen mula sa Soldiers Hill na may nagbebenta ng sanggol sa halagang P15,000.
Dito na agad umaksyon ang NBI at DSWD na kung saan ay isang operatiba ang nagpangap na buyer ng sanggol dala ang marked money kung saan dito na hinuli ang suspek kasama ang paslit na wala pang isang buwan.
Nabatid din sa NBI na ang sanggol ay iniluwal nito sa Cagayan Valley Medical Center noong Disyembre 13, 2012 matapos na mabuntis sa kanyang kasintahan at kaya niya ito umano ibinibenta ay upang pagtakpan ang kasalanan nagawa dahil may asawa na pala sa Antique ang kinakasama.
Sa kasalukuyan ay hinihintay na lamang ng NBI ang kumpirmasyon mula sa ospital kung dito nga talaga isinilang ang sanggol at kung tunay ngang ina ng paslit ang suspek habang nasa kustudiya ng awtoridad mag-ina. (Francis Soriano)