
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Jan. 6, 2012) – Isang imbestigasyon ang inilunsad ngayon ng Moro Islamic Liberation Front upang mabatid ang dahilan ay kung sino ang nasa likod ng mga tangkang pambobomba sa lalawigan ng Maguindanao.
Ito’y matapos na isang malakas na bomba na naman ang natagpuan ng mga sibilyan sa sentro ng Shariff Aguak, ang kapitolyo ng lalawigan, nitong Sabado ng umaga.
Gawa sa mortar bombs na nakakabit sa isang detonator ang naturang pampasabog at itong uri rin ang mga nabawi sa mga nakalipas sa ibat-ibang bahagi ng Maguindanao.
Tikom naman ang bibig ng mga opisyal ng 6th Infantry Division at hindi rin nagbigay ng anumang pahayag sa media ukol sa breach sa kanilang security sa Maguindanao na kung saan ay naroon rin ang kampo nito.
Maging si Army spokesman Col. Prudencio Asto ay hindi rin sinasagot ang tawag ng mga manunulat ukol sa kabiguan ng militar na mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga sibilyan sa lalawigan.
Wala rin umako sa bigong atake, ngunit sinabi ni Von Al Haq, ang spokesman ng MILF, na sinisipat na nila ang posibleng mga motibo nito.
“Nagiimbestiga na kami tungkol diyan at inaalam naman kung may kinalaman ba ito sa peace talks o kung may third party na nais madiskaril ang paguusap. Posible rin na may kaugnayan ito sa pulitika,” wika pa ni Al Haq aa panayam ng Mindanao Examiner.
Hindi rin sinagot ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu ang kanyang cell phone sa mga tawag ng media upang makunan ng pahayag sa kaguluhan sa kanyang lugar. Ngunit ilang beses na rin itong naging target ng mga pambobomba at madalas nitong sisihin ang kalaban sa pulitika.
Maging ang pamunuan ng rehiyon ay wala rin sinabi sa mga nagaganap na karahasan sa Maguindanao.
Ang MILF ay may kasalukuyang peace talks sa pamahalaang Aquino at nitong Oktubre lamang ay lumagda sa isang framework agreement upang mabuo ang Bangsamoro homeland na siyang ipapalit naman sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na kinabibilangan ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi; at gayiun rin ng lungsod ng Marawi at Lamitan. (Mindanao Examiner)