
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Dec. 24, 2012) – Napalaya na nitong Lunes ang isang ang guro na dinukot sa Zamboanga City matapos ng mahigit sa isang buwan pagkakabihag.
Si Flordeliza Ongchua, 49, ay pinakawalan sa bayan ng Jolo na kung saan ito sinundo ng mga police anti-kidnapping agents at dinala sa kampo ng Philippine Marines bago bumiyahe patungong Zamboanga City sakay ang isang Philippine Air Force chopper.
Sa Zamboanga naman ay idiniretso ito ng alkaldeng si Celso Lobregat at opisyal ng militar sa isang news conference sa halip na sa pagamutan upang mabigyan ng medical examination sa kanyang kalagayan.
Idinahilan naman ng pulitiko ang media na nais umanong makunan ang pinalayang biktima na halos hindi pa makapagsalita ukol sa kanyang dinanas sa kamay ng mga kidnappers.
Hindi naman nagbigay ng anumang pahayag ang guro ukol sa sinapit nito at maging ang pamilya ay walang sinambit kung magkano ang ibinigay nito sa mga kidnappers.
Dinukot si Ongchua nuong Nobyembre 13 sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Labuan matapos na mabigo ang mga kidnappers na tangayin ang barangay chairman na si Ronald Maravilla na kaanak naman ng biktima.
Unang napabalitang dinala sa Zamboanga del Norte si Ongchua matapos na tumakas ang mga kidnappers sakay ng isang speedboat patungong bayan ng Sibuco.
Walang umako sa kidnapping ng babae at kung magkano ang ibinayad ng pamilya nito kapalit ng kalaayan ni Ongchua. (Mindanao Examiner)