
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Dec. 19, 2012) – Naidaos ng mapayapa ang State of the Region Address ni Gov. Mujiv Hataman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at inisa-isa nito ang mga naisagawa sa halos isang taon ng panunungkulan bilang Officer-in-Charge.
Unang nagpasalamat ito sa mga dumalo sa kanyang SORA, kabilang na ang mga governors ng ARMM at ang mga miyembro ng Regional Legislative Assembly at ng International Monitoring Team. Special mention rin ni San City Rep. JV Ejercito Estrada na todo naman ang suporta sa pamunuan ni Hataman.
Unang isinambit ni Hataman ang problema ng edukasyon sa ARMM at ang malaking kakulangan sa silid-aralan at guro, ngunit nabigyan naman ito umano ng kaukulang solusyon sa pamamagitan ng tulong mula sa Australia.
“Inaasahan natin na sa pagdating ng 2013, ay makakapagpatayo tayo ng 2,950 na school building at malamang ay mahihigitan pa natin ito dahil sa 2,500 school-building projects ng BEAM-ARMM (Basic Education Assistance for Muslim Mindanao ) na kabahagi ng P3.9 bilyon na tulong mula sa Aus(tralian)-AID at Australian government. Kung kaya’t maraming salamat sa Australian government, maraming salamat sa Aus-AID,” wika ni Hataman.
“Ang kakulangan natin sa mga guro ay mapupunuan na rin po natin pagdating ng 2013. Nangako po si Pangulong Aquino at ng DBM at maibibigay sa atin ng mahigit 2000 item ng kakulangan pagdating sa 2013. Sa kabuuan, ang mga kakulangang nabanggit ay tuluyan na mapupunuan sa patuloy na pag-lilinis ng DepEd-ARMM sa talaan ng estudyante. Ang ating paglilinis ay nagbigay daan sa pagdiskubre ng 75,229 ghost students nuong taong 2012,” dagdag pa nito.
At isang magandang balita rin ang inanunsyo ni Hataman sa kanyang SORA at ito ang tuluyang pagbabayad sa halosP1.9 bilyon pagkakautang ng Department of Education-ARMM sa Government Service Insurance System.
“Eto po ang magandang balita, at sa susunod na taon, ay tuluyan na nating mababayaran ang kabuuang utang ng DepED-ARMM na humigit-kumulang po ng P1.9 billion alinsunod sa pangako at kagustuhan ng Pangulong Aquino na matuldukan na ang utang na ito. Pero eto po ang sambit ng ating Pangulo, kung sino ang nagwaldas ng pera ng GSIS ay dapat lamang po na pananagutin natin. Hindi po pwede walang magbabayad dito sa utang na ito at hindi rin daw puwede, sabi ng ating Pangulo na walang managot at makulong sa 1.9 billion na ito,” ani Hataman na pinalakpakan naman ng husto ng mga guro at empleyado ng ARMM.
Pinuri rin nito si DepEd-ARMM Sec. Jamar Kulayan sa kanyang pagsisikip na matuldukan ang problema sa edukasyon sa pamamagitan ng mga repormang ipinatutupad nito.
“Dahil sa pagsusumikap ng DepEd sa pagpapatupad ng repormang pinansyal, nakalikom ito ng P224,227,269 at kung kaya’t inatasan na natin si Sec. Jamar Kulayan na magsimula ng pagbayad ng backpays at salary differential ng 2011 at 2012,” sabi pa ni Hataman na umani naman ng mahabang palakpakan.
Umani naman ng maraming papuri ang SORA ni Hataman. At maging si Ejercito Estrada ay naglagay pa ng larawan sa kanyang Facebook account na pinitik nito habang nagsasalita si Hataman.
“Gov. Mujiv Hataman giving his State of the Region Address at the Shariff Kabunsuan Cultural Center, ARMM Goverrnment Center, Cotabato City. Beautiful session hall!,” wika nito sa kanyang FB wall post.
Nagmistulang superstar naman si JV Ejercitoi Estrada – na tumatakbong senador sa darating na halalan – dahil sa dami ng mga nakipag-kamay at bumati sa kanya. Marami rin ang nagpakuha ng larawan kasama ito.
Kilalang “Estrada Country” ang Mindanao at napakalaki ng suporta ng mga Muslim at Kristiyano rin sa pamilyang Estrada kung kaya’t ganoon na lamang ang respetong ibinigay ng mga iuto kay JV Ejercito Estrada.
Sa panghuling talumpati ni Hataman ay umapela naman ito sa patuloy na suporta ng publiko sa reporma sa ARMM na ipinatutupad ni Pangulong Aquino.
“Mga kababayan, sama-sama nating ituloy ang ating naumpisahang reporma. Alalahanin natin na kung walang mulat na mamamayan na nagsusulong ng reporma, walang saysay kahit ano pa mang ganda at porma ng pamamahalaang maitatatag. Handa na tayong harapin ang bukas, ngayon.” (Mindanao Examiner)