
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Dec. 13, 2012) – Tikom ang bibig ng kampo ni Pagadian City Mayor Samuel Co ukol sa eskandalong kinakaharap ngayon ng pulitiko kaugnay sa pagkakadawit diumano nito sa investment trading scam sa kanyang lugar.
Isinabit ng mga investors si Co sa P12 bilyong scam ng Aman Futures na pagaari ng Malaysian national na si Manuel Amalilio na ngayon ay nagtatago na sa kanyang bansa.
Ilang ulit naman itinanggi ni Co na may kaugnayan ito sa scam at sinabing biktima rin siya ng Aman Futures, ngunit pinasinungalingan naman ito ng ilan sa mga nagsabing nagbigay umano sila ng malaking halaga sa pulitiko.
Libo-libong katao ang nabiktima ng Aman Futures sa Pagadian City at kalapit na lalawigan nito simula pa nitong taon.
Ipinag-utos na rin ng Korte ang mahigit sa 70 mga bank accounts ni Co at ng asawa nito, gayun rin ang iba pang mga hinihinalang nakinabang sa scam. Patuloy naman ang pagiimbestiga ng Anti-Money Laundering Council sa mga ito.
Si Co ay kilalang ka-alyado ni Pangulong Benigno Aquino at miyembro rin ng Liberal Party at inaasahan na malaki ang magiging epekto ng eskandalo sa political career ng mayor na tumatakbo bulang congressman ng Zamboanga del Sur.
Ibinintang pa nito sa kanyang mga katunggali sa pulitika ang lahat ng bintang laban sa kanya. Naunang kinasuhan si Co at ang asawa nito kaugnay sa scam. (Mindanao Examiner)