
SULU (Mindanao Examiner / Dec. 5, 2012) – Ibinuhos na ng Autonomous Region in Muslim Mindanao ang suporta nito sa likod ng Bangsamoro framework agreement sa pagitan ng pamahalaang Aquino at ng Moro Islamic Liberation Front.
Sa katatapos lamang na Mindanao Leaders’ Summit ay sinabi ni Sulu Gov. Sakur Tan na patuloy na susuportahan ng ARMM governors ang peace process sa Mindanao.
Naglabas rin ng 15-point resolution ang mga ARMM governors na nagtataglay ng mga panukala upang lalong mapagtibay ang Framework Agreement on Bangsamoro at peace accord sa MILF.
Mahigit sa 3000 katao ang dumalo sa dalawang araw na forum na ipinatawag ni Tan. Kasama sa naturang summit sina Governors Sadikul Sahali, ng Tawi-Tawi; Jum Akbar ng Basilan; Esmael Mangudadatu, ng Maguindanao at ang representative ni Mamintal Adiong, ng Lanao del Sur.
Narito rin si former Muslim rebel Nur Misuari, ng Moro National Liberation Front, at mga government officials sa pangunguna nina Undersecretary Nabil Tan, ng Office of the Executive Secretary; at Edilwasif Baddiri, ng National Commission on Muslim Filipinos at Jose Lorena, ng government peace panel.
Maging ang MILF ay nagpadala rin ng kanilang kinatawan na si Toks Ibrahim, at gayun rin ang Simbahang Katoliko sa katauhan ni Bishop Angelito Lampon, ng Vicariate of Sulu at Tawi-Tawi; at Sheik Abdulmuin Mujahid, ng Zamboanga-Basilan-Sulu-Tawi-Tawi Ulama. At mga civil society groups at nongovernmental organizations. Namataan rin doon ang mga sundalo Kano na kumukuha ng video footage at nagmamasid sa kalalabasan ng forum.
Pinagusapan sa summit ang Mindanao peace process at Framework Agreement na nilagdaan nitong Oktubre lamang.
“Sinusuportahan natin ang peace process ng ating Pangulo kaya nga may summit tayo dito sa Sulu upang ipaalam sa publiko ang kahalagahan nitong peace talks at ng Framework Agreement. Sinusuportahan namin mga governors sa ARMM ang kapayapaan,” ani Sulu Gov. Sakur Tan sa panayam ng Mindanao Examiner.
Ito rin ang sinabi ni Dr. Amildasa Annil, ng Movement for Sustainable Good Governance, at ayon sa kanya: “This summit is important to all of us and we want the people to understand the peace process and the Framework Agreement, and other issues pertaining to peace, our future and Mindanao in whole.”
Ayon kay Tan ay magkakaroon rin ng forum sa Maguindanao sa susunod na buwan sa Lanao del Sur at Tawi-Tawi upang makapangalap ng mga inputs para sa peace talks at maipaalam sa mga Muslim ang kahalagahan nito. Ngayon Miyekules ay isang parehong summit rin ang ipinatawag ni Akbar.(Mindanao Examiner)