
SULU (Mindanao Examiner / Dec. 4, 2012) – Libo-libong katao ang stranded ngayon araw ng Martes sa lalawigan ng Sulu at iba pang bahagi ng Mindanao matapos na bayuhin ng bagyong Pablo (international code name Bopha) ang malaking bahagi ng katimugan ng bansa.
Sa Sulu ay ipinagbawal ng Coast Guard na maglayag ang anumang uri ng barko at maging ang paliparan sa bayan ng Jolo ay kanselado na rin ang lahat ng flights at gayun rin sa Zamboanga City at iba pang bahagi ng Mindanao.
Maraming lugar rin sa Mindanao ang nawalan ng kuryente at maging cell sites ng mga telecom companies ay apektado rin ng bagyo.
Umabot naman sa mahigit 50,000 residente ang naapektuhan ng flash floods sa Regions 8, 10, 11 at Caraga. Balot rin sa dilim ang bayan ng Tandag, Bislig, Hinatuan, Tagbina, Barobo, Lianga at Lingig sa Surigado del Sur at Pilar sa Surigao del Norte dahil sa kawalan ng kuryente.
Nagkaroon rin ng pabalik-balik na black out rin sa Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Lanao at Zamboanga City dahil nag-tripped umano ang linya ng kuryente ng Agus 2, 5 at 6.
Nagkaroon rin ng landslides sa Barangay Sawer sa bayan ng Masiu sa Lanao del Sur, ngunit wala naman inulat na nasawi. Hindi na rin madaan ang highway na naguugnay sa Iligan at Marawi, gayun rin ang bayan ng Kapatagan sa Lanao del Sur, ayon naman sa monitoring center ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sinabi naman ng weather bureau na patungo na sa direksyon ng Visayas at Luzon ang bagyo at doon naman naka-bantay ang mga kinauukulan dahil sa banta ng flash floods at landslides. (Mindanao Examiner)