
SULU (Mindanao Examiner / Dec. 3, 2012) – Isang malaking summit ukol sa Framework Agreement ang ilulunsad ngayong Martes ng Sulu provincial government upang ipabatid sa publiko ang kahalagahan nito at ng peace process ng pamahalaang Aquino sa Mindanao.
Ang agreement ay nilagdaan nitong Oktubre lamang sa pagitan ng peace panels ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front at ito rin ang siyang bubuo sa Bangsamoro (sub-state) na siyang ipapalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na kinabibilangan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur, Maguindanao at lungsod ng Marawi at Lamitan.
Inaasahan na sa 2016 ay Bangsamoro na ang bubuo sa mga naturang lugar, at posibleng ilang mga Muslim communities pa ang mapapasama sa naturang rehiyon sa isasagawang referendum sa Mindanao.
“Sinusuportahan natin ang peace process ng ating Pangulo kaya nga may summit tayo dito sa Sulu upang ipaalam sa publiko ang kahalagahan nitong peace talks at ng Framework Agreement. Sinusuportahan namin mga governors sa ARMM ang kapayapaan,” ani Sulu Gov. Sakur Tan sa Mindanao Examiner.
Inaasahan na daragsahin ng libo-libong Muslim ang nasabing summit na dadaluhan rin ng mga opisyal ng pamahalaan at ng ARMM.
Patuloy pa rin ang peace talks ng pamahalaan sa MILF at tinatalakay ngayon ang wealth sharing, power sharing at iba pa, ngunit may mga grupo rin na ang gusto ay mahalintulad ang bansa sa Malaysia o Amerika na kung saan ay nahahati ito sa mga Federal States.
Maaaring hatiin ang buong Pilipinas sa mga rehiyon nito at gawing federated states ang Region 1 hanggang sa Region 13, kabilang na ang ARMM o Bangsamoro at Cordillera regions. Ngunit tikom naman ang bibig ng Senado at Kongreso ukol sa panukala. (Mindanao Examiner)