
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Dec. 2, 2012) – Pormal ng nagsimula ang commercial fishing ban sa mga sardinas sa Western Mindanao at tatlong buwan ang moratorium na ipinag-utos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Sinabi ng ahensya na ang kautusan ay upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga sardinas na magparami sa naturang rehiyon. Nasa Zamboanga City ang karamihan ng mga sardine factories at tone-tonelada isda ang konsumo ng mga ito.
Ngunit sinabi naman ng BFAR na hindi kasama ang mga maliliit na mangingisda sa naturang ban. “The ban only applies to commercial fishing. Small fishermen can continue their catch,” ani BFAR Director Asis Perez.
Ayon pa kay Perez ay dalawang barko ang ngayon ay nagpapatrulya sa Western Mindanao at Sulu Archipelago upang masiguradong walang lalabag sa moratorium ng pamahalaan.
Sinigurado naman ng mga canning factories na may sapat na stock ng sardinas ang publiko sa loob ng tatlong buwan fishing ban. Ang iba naman ay nagsabing magaangkat ng mga isda muyla sa Tsina upang tuloy-tuloy ang kanilang production.
Libo-libong manggagawa ang nakikinabang sa mga sardine factories sa Zamboanga. Ngunit nsa kabila nito ay nanatiling kapareho ng Zamboanga ang presyo ng mga sardinas sa kalakhang Maynila at ibang bahagi ng bansa kahit na walang gastos sa shipping ang mga factories.
Matagal ng hinihiling ng mga taga-Zamboanga na babaan ng mga canning factories ang presyo ng kanilang paninda dito, ngunit dedma lamang ang mga Tsinoy na may-ari nito. (Mindanao Examiner)