
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 25, 2012) – Mistulang bulag umano ang pamahalaang Aquino sa bilyon-bilyong salaping nawawaldas sa mga proyekto ng Department of Public Works Highways sa Mindanao.
Sa Zamboanga City ay tinitibag ng DPWH ang mga maayos na kalsada upang muling sementuhan at makalipas ng ilang buwan ay saka naman ito tatakpan ng aspalto.
Nagdudulot rin ito ng peligro sa mga motorista dahil sa nakaambang panganib ng aksidente sa kalsada. At ganito rin ang nagaganap sa Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur at Zamboanga del Norte, at Basilan.
“Grabe itong DPWH at maganda naman yun highway eh titibagin nila at tapos ay saka muling sesementuhan. At ngayon ay tatakpan naman nuila ng aspalto yun mga bagong sinimentuhan na kalsada. Dapat imbestigahan na ito ng COA, yun lahat ng proyekto ng DPWH at sayang ang pera ng taong-bayan dahil parang bulag ang Pangulo sa mga (proyektong) ito,” ani pa ng isang family driver na madalas bumiyahe mula Zamboanga hanggang Pagadian City.
Ang COA ay ang Commission of Audit na siyang tumitingin sa mga ahensya ng pamahalaan kung tumpak ba ang kanilang mga gastusin sa bawat proyekto.
Ang DPWH ay palaging kabilang sa mga umano’y most corrupt agencies ng pamahalaan, ayon sa iba’t-ibang ulat. Iginigiit ng DPWH na may pondo mula sa pamahalaan ang proyekto nito at bukod pa dito ang ibinibigay ng mga congressmen.
Sa website ng DPWH sa http://www.dpwh.gov.ph/infrastructure/pms/09.asp ay makikita doon ang laki ng halaga ng mag proyekto sa Western Mindanao.
Kabilang rin doon ang ibat-ibang proyekto tulad ng tulay, paaralan, water system, multipurpose buildings, farm to market roads, flood control at drainage system, at iba pa na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso. (Mindanao Examiner)