
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 25, 2012) – Nanatiling mailap pa rin ang pamunuan ng Western Mindanao Command sa local media at walang itong nakukuhang anumang balita mula sa commander nitong si Maj. Gen. Rey Ardo.
Ito’y sa kabila ang maraming mga karahasan at sagupaan sa rehiyon na nasasakupan nito at lalo pang nagka-problema ang mga mamamahayag ng malipat sa Maynila si Lt. Col. Randolph Cabangbang, na dating spokesman ng Western Mindanao Command.
Kinuha ng dating Western Mindanao Commander chief Lt. Gen. Noel Coballes, na ngayon ay ang Armed Forces Vice Chief of Staff, si Cabangbang upang doon sa kanya ma-destino.
“After 17 years, I am leaving Mindanao. I am transferring to the Office of the Vice Chief of Staff. It was fun to work with you and I am hoping to return soon. Thank you,” ani Cabangbang sa local media.
Si Cabangbang rin noon ang palaging isinasangkalan ni Ardo upang makaiwasa sa interview ng media ukol sa mga isyu sa rehiyon. At mula ng maupo si Ardo nitong Oktubre ay hindi pa rin ito humaharap sa media at maging sa mga miyembro ng Defense Press Corps. Wala rin itong ibinibigay na anumang mga press releases.
Ito rin ang naging problema noon ng media sa kapanahunan ni Coballes at ipinag-bawal pa nito ang pagkuha ng video at larawan sa mga sundalong sugatan na nasa military hospital sa Western Mindanao Command kung kaya’t nag-boycott ang mga mamamahayag sa mga balitang may kinalaman kay Coballes.
Sa kasalukuyan at dumidiretso ngayon ang media sa ibat-ibang army commander sa Zamboanga Peninsula upang makapangalap ng balita. (Mindanao Examiner)