
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Nov. 4, 2012) – Blangko pa rin ang pulisya sa motibo ng pagpatay sa pamangkin ni massacre suspect at ex-Maguindanao Gov. Andal Ampatuan sa kanilang lalawigan.
Ngunit sinisipat ng mga awtoridad ang angulong away-pamilya at paghihiganti sa pagbaril kay Norton Ampatuan sa labas ng isang karaoke bar sa bayan ng Ampatuan kamakailan lamang.
Ayon sa ulat ng pulisya ay nagkaroon ng kaguluhan sa loob ng isang karaoke bar at tumakbong palabas si Norton na kung saan ito ay pinagbabaril. Sugatan rin ang barkada ni Norton na si Juhail Unting sa pamamaril.
Hindi naman agad mabatid kung nagbigay ng pahayag o nakilala ba ni Juhail ang tumira sa kanila. Ang pagpatay kay Norton ay nagmistulang patunay naman na nawawala na ang impluwensya ng mga Ampatuan sa Maguindanao at kahit sa mismong bayan nila ay inupakan ang isa sa mga itinuturing na tagapag-mana ng pamilya.
Si Norton ay anak ni Sarip Ampatuan na tumatakbo sa pagka-alkalde sa halalan sa susunod na taon. At si Andal Ampatuan – na ama ni dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan – ay isinabit sa brutal na pagpatay sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, sa Maguindanao nuong 2009. (Mindanao Examiner)