
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 2, 2012) – Inireklamo ng ilang mga moviegoers sa Zamboanga ang napanood na pelikulang ‘Tiktik: The Aswang Chronicles’ matapos na umano’y mapuna ang kakaibang quality nito.
Madilim umano ang nasabing pelikula at mistulang gumagalaw ito habang ipinalalabas sa screen. “Madilim ang quality ng film at hindi maganda ang audio at gumagalaw ang palabas sa screen ng sinehan na parang sa loob ito nai-record at parang pirated ang dating,” ani Jeng, na isa sa mga nakapanood sa Tiktik.
Sa katunayan umano ay hindi na nito tinapos ang pelikula at sa halip ay lumabas na lamang ng sinehan kasama ang isa pang kaibigan na si Elen.
“Sayang lang ibinayad namin sa sinehan at hindi maganda ang quality ng pelikula, pero sa trailer sa telebisyon ay maganda. Hindi namin alam kung saan ang diperensya – sa pelikula ba o sa sinehan,” ani Jeng sa reklamo nito sa pahayagang Mindanao Examiner.
Hindi naman agad makunan ng pahayag ang pamunuan ng sinehan ukol sa reklamo sa pelukula na itinuturing na isa sa mga pinakamagandang horror movies ngayon taon.
Karamihan sa mga scenes sa pelikula ay may chroma o green screen upang mailagay ang mga kakaibang back ground para sa ibat-ibang eksena. Halos isang taon rin umanong ginawa ang pelikula.
Si Erik Matti ang naturang writer at director ng Tiktik na pinondohan naman nina Ronald Stephen Monteverde, Jose ‘Ding-Dong” Dantes III at Annette Abrogar. May budget itong P70 milyon, ngunit tumabo naman sa takilya ng P180 million sa ilang araw pa lamang ng palabas.
Pinangungunahan nina Ding-Dong Dantes at Lovi Poe ang nasabing pelikula na kung saan ay kasama rin sina Joey Marquez, Janice de Belen, Ramon Bautista at LJ Reyes. (Mindanao Examiner)