
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Oct. 19, 2012) – Nangunguna pa rin sa mga informal surveys si Zamboanga City Congresswoman Maria Isabelle ‘Beng’ Climaco-Salazar laban sa mga pulitikong sasabak sa pagka-alkalde dito, ngunit hati naman ang pulso ng publiko sa mga kasalukuyang opisyal na muling tumatakbo sa halalan.
Si Salazar ay kabilang sa partidong Liberal ni Pangulong Benigno Aquino at siya rin House Deputy Speaker for Mindanao. Kilala ito sa kanyang pagiging matulungin at sa ibat-ibang advocacies na may kinalaman sa mga kababaihan at kabataan.
Malaking suporta rin ang tinatanggap nito mula sa ibat-ibang sektor sa Zamboanga City dahil sa kanyang mga accomplishments at naipanukalang batas.
Makakabangga ni Salazar sa pagka-alkalde si Zamboanga City Congressman Erico ‘Erbie’ Fabian at ex-Zamboanga del Norte Romeo ‘Nonong’ Jalosjos, Sr. Ngunit parehong nasa buntot ng surveys sina Fabian at Jalosjos.
Mahina rin umano ang line-up ni Fabian at halos hindi nito napunuan ang kanyang partido at si Jalosjos naman ay hinahabol ng kanyang nakaraan at ngayon ay malaking isyu ito sa mga taga-Zamboanga City.
Isang convicted child rapist si Jalosjos at mahabang panahon ang inilagi nito sa bilangguan at ibinasura rin ng Commission on Elections ang kanyang voter’s registration sa Zamboanga dahil na rin sa isyu ng legalidad nito. Umapela naman sa korte si Jalosjos, ngunit ibinasura rin ito ng Municipal Trial Court.
Isyu rin ang pagtatatag nito ng political dynasty sa Zamboanga Peninsula dahil lahat ng lalawigan nito – Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, at Zamboanga City – ay nais mailagay sa ilalim ng kanyang kontrol.
Matunog rin sa mga unofficial surveys ang masipag at magaling na si Councilor Rommel ‘Meng’ Agan, na anak naman ng dating Zamboanga City Mayor Vitaliano Agan. Pasok rin sa surveys sina Councilors Melchor ‘Mel’ Sadain at Cesar ‘Jawo’ Jimenez at dating Zamboanga City Vice Mayor Mannix Dalipe.
Malakas rin si dating Catholic priest Crisanto dela Cruz, na ngayon ay tumatakbo bilang congressman sa Zamboanga City at kilala ito bilang isang pilantropo na siyang nasa likod ng tagumpay ng Nuevo Zamboanga College at Lantaka Hotel.
Maging si Councilor Gerky Valesco, na siyang aktibo sa mga iba’t-ibang tourism campaign sa Zamboanga City ay nangunguna rin sa mga surveys at tumatakbo ito sa ilalim ng Liberal Party ni Salazar.
Pasok rin sa surveys ang civic leader na si Councilors Myra Abubakar, Eduardo ‘Eddie’ Saavedra, Percival Ramos, Luis Biel III at Miguel ‘Mike’ Alavar.
Ang mga nabanggit ay ang pinakamalakas sa mga kasalukuyang tumatakbo at pasok sa “Top 12” base na rin sa kanilang mga naging accomplishments at ganda ng panunungkulan.(Mindanao Examiner)