
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Oct. 18, 2012) – Tatlong natibo, kabilang ang dalawang bata, ang napatay diumano kaninang umaga ng militar matapos lusubin ng mga sundalo ang bahay ng mga biktima sa bayan ng Tampakan sa South Cotabato.
Ayon sa ulat na ipinasa ng Alyansa Tigil Mina sa Mindanao Examiner ay kinilala nito ang mga biktima na si Juvy Capion, 27, at anak na Pop Capion, 13, at John Capion, 8. Sugatan at nasa kritikal na kondisyon naman ang kanilang ama na si Daquil Capion.
Pawang mga miyembro ng B’laan tribe ang mag-anak at matagal ng tumutuligsa sa mining operations sa kanilang ancestral domain sa Bong Mal. Ibinintang ng ATM sa 27th Infantry Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Alexis Bravo, ang naturang pamamaslang.
Agad itong kinondena ng ATM at ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates. “We denounce this gross violation of human rights and unnecessary loss of lives and call on the government and the Commission on Human Rights to immediately investigate these killings and bring the perpetrators to justice. We call on the Aquiino administration to also pull-out the military not only in Tampakan, but in all mining-affected communities,” ani Max de Mesa, chairman ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates sa pahayag nito.
Sinabi naman ni Jaybee Garganera, ang ATM national coordinator, na ang pamilyang Capion ay ang siyang nagtatanggol sa ancestral domain ng mga natibo sa lugar.
“We strongly condemn this barbaric and treacherous act of the military, against Daguil and his family,” wika pa ni Garganera. “He is a B’laan warrior tasked by his clan to protect the ancestral domains. In this case, the most obvious threat against their domain right now is the Tampakan Mining Project of SMI.”
May minahan ang SMI sa naturang bayan, ngunit hindi naman mabatid kung ano ang nagbunsod sa militar na atakihin ang mga inosenteng sibilyan.
Hindi rin nagbigay ng pahayag ang 10th Infantry Division ukol sa pamamaslang at maging ang tagapagsalita ng 27th Infantry Battalion na si Lt. Bethuel Barber ay hindi rin sinasagot ang tawag ng Mindanao Examiner sa kanyang cell phone. Wala rin pahayag si Bravo ukol sa mga bintang laban sa kanyang unit. (Mindanao Examiner)