
MANILA (Mindanao Examiner / Sept. 27, 2012) – Naghain ng petisyon ang grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa Korte Suprema para sa temporary restraining order (TRO) upang mapigil ang implementasyon ng Republic Act 10175, o Cybercrime Prevention Act ng 2012.
Nilagadaan ni Pres. Benigno Simeon Aquino III ang nasabing batas nitong Setyembre 12 lamang at napabilang dito ang online libel bilang isa sa mga krimeng parurusahan sa ilalim ng batas
Ayon kay ALAM president Atty. Berteni Causing, mahalagang magkaroon ng TRO dahil sa ilang usaping may kaugnayan sa mga ‘oversweeping’ at kontrobersyal na probisyon ng RA 10175.
“Isa sa mga probisyon na sinasabi ko ay ang cyber libel na nakasaad sa Section 4 (c)(4) na sumasakalaw sa karapatang pinagkakaloob ng ating Saligang Batas ukol sa malayang pamamahayag,” ani Causing.
Mahalaga umano ang TRO petition dahil ang mga isyu ditong libel online, ‘unsolicited advertisement’ at ang probisyon para pataasin ang parusa sa mga krimen sa ilalim ng Revised Penal Code at special penal laws na ginawa gamit ang Internet, ay makaaapekto sa buhay ng mga Pilipino.
Sinabi pa ni Causing na dapat ibasura ang libel sa R.A. 10175 dahil iba ang libel batay sa listahan ng mga krimeng paparusahan sa ilalim ng RA 10175.
“Iba ng libel sa cybercrime dahil ang libel ginagawa sa pamamagitan ng pahayagan o pagsasapubliko nito habang ang cybercrime naman ay ginagawa ng palihim,” aniya.
Ang pagsasagawa ng alin mang cybecrime ay ginagawa ng patago tulad ng pagnanakaw ng password, computer hacking o pagkuha ng access sa mga computer system, pagnanakaw ng PIN code ng datos sa computer, bank account at iba pang mga records.
Sa kabilang dako, ang libel ay hindi maaaring gawin ng palihim dahil isa sa pangunahing bagay na dapat gawin dito ay ang pagsasapubliko nito sa pamamagitan ng publikasyon o broadcast media. (Nanet Villafania)