
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Sept. 18, 2012) – Isang miyembro ng Philippine Coast Guard ang isinugod sa pagamutan sa Zamboanga City matapos itong bugbugin diumano ng kanyang commander sa lalawigan ng Sulu.
Pinagpapalo umano ng armalite rifle ang biktimang si Joseph Ray Abacan matapos itong pagalitan ng kanyang superior ng mabatid na nagsumbong ito sa ibang tao ukol sa parusang tinanggap sa naturang opisyal.
Pinagalitan ng opisyal na nakilalang si Lawrence Roque ang biktima matapos na diumano’y mahuling nagiinuman sa kanilang detachment sa bayan ng Jolo.
Nagsumbong si Abacan sa kanyang kaibigan na sibilyan ukol sa tinanggap na reprimand, subali’t nagalit ang opisyal ng ito’y mabatid at kinompronta ang biktima.
Maging ang paa ni Abacan ay pinalo rin umano ng M16 ng naturang opisyal at nanakot pa itong ipasisibak sa kanyang puwesto ang sundalo.
Dahil sa tinanggap na gulpi ay naisugod sa pagamutan si Abacan at doon ay isiniwalat nito sa media ang naganap na pagmamalupit sa kanya ni Roque sa harapan ng maraming taon sa pier sa Jolo.
Isang imbestigasyon umano ang inilunsad ng Philippine Coast Guard upang mabatid ang katotohanan. Hindi naman agad makunan ng pahayag si Roque ukol sa alegasyon ng sundalo. (Mindanao Examiner)