
SULU (Mindanao Examiner / Sept. 16, 2012) – Nakinabang ang daan-daang katao sa isang medical mission na inilunsad kamakailan ng grupo ni Sulu First Lady Hajja Nurunnisah Tan sa kanyang kaarawan sa malayong isla ng Pata sa naturang lalawigan.
Sa isla ng Pata ay namahagi ang grupo ni Hajja Nurunnisah ng libreng mga gamot at katuwang nito si Mayor Hajja Nurmina Burahan. Todo naman ang pasasalamat ni Hajja Burahan at mga taga-isla sa mga tulong ng grupo ni Hajja Nurunisah na siyang nanguna sa mga pagbabakuna sa mga bata at matatanda sa Pata.
Isang araw nagtagal ang naturang medical mission.
Tradisyonal na kay Hajja Nurunnisah, ang may-bahay ni Gov. Sakur Tan, na ipagdiwang ang simpleng kaarawan sa pamamagitan ng mga medical at humanitarian mission sa bat-ibang bayan at isla sa lalawigan.
Madalas rin itong ginagawa ni Hajja Nurunnisah at halos buwan-buwan ay may mga humanitarian mission ito sa Sulu.
Hindi rin nito alintana ang peligro ng bumiyahe sa karagatan kahit pa umuulan o kaya ay malaki ang alon. Katuwang rin nito ang mga anak at si Dr. Farah Omar ng Sulu provincial hospital at ang ibat-ibang grupo ng kababaihan sa kanyang mga medical mission.
Isang registered nurse si Hajja Nurunnisah kung kaya’t malapit sa puso nito ang tumulong sa kapwa, ngunit katulad ng asawa ay hindi mahilig sa publicity o ipaalam sa media ang mga kabutihang ginagawa sa Sulu.
Si Hajja Nurunnisah ang siya rin pinuno ng Sulu Provincial Women’s Council na aktibo sa mga kawang-gawa sa lalawigan.(Ahl Salinas)