
MANILA – Mariing kinondena ng grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang isa na namang pagpatay sa isang radio program host sa Kidapawan City sa Mindanao halos dalawang linggo matapos i-report na nawawala ito.
Tinatawagan ni ALAM Chairman Jerry Yap ang Philippine National Police Task Force Usig at Department of Justice-Task Force 211, na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pagpatay kay Eddie Jesus Apostol, ang co-host ng blocktime program na “Konseho sa Kahanginan” (Council on the Air) sa radio station dxND sa Kidapawan.
“Nagiging tradisyon na yata ang pagpatay sa mga radio journalists sa bansa,” ani Yap sa pahayag nito sa Mindanao Examiner. “Sana, hindi mabagoong na naman ang kaso ni Eddie Jesus Apostol, at imbestigahang mabuti ang motibo sa pagpatay sa kanya.”
Ani Yap, huwag sanang mangyaring isa na naman itong kaso ng pagpatay sa media na hindi nalulutas at hindi napaparusahan ang nagkasala.
Sa report na natanggap ng ALAM, natagpuang nakagapos na parang baboy at may tama ng dalawang bala sa ulo ang bangkay ni Apostol.
Gayunman, hindi pa sigurado kung ang sanhi ng pagpatay sa kanya ay may kinalaman sa kanyang trabaho bilang broadcaster o may kaugnayan sa kanyang pagiging isang treasure hunter.
Sa programa ni Apostol, mga isyung developmental lamang ang tinatalakay ay kadalasang ang iniinterbyu ay mga opisyal ng local government units (LGUs) tungkol sa kanilang mga programa at proyekto.
Gayunman, nakaaalarma pa rin ito dahil ikaanim na media man na si Apostol na piñatay sa ilalim ng pamumuno ni Presidente Benigno Aquino III. Ani Yap, may 72 Filipino journalists na ang napapatay mula pa noong 1992. Kalahati umano sa 72 pinatay na journalist ay nagtatrabaho sa radyo tulad ni Apostol.
Noong 2011, piñatay ang dalawang radio journalists habang nagtatrabaho.
Ikalawa na ang Pilipinas, kung saan una ang Iraq, sa pinakadelikadong lugar para sa mga mamamahayag.
Ang Pilipinas rin ang itinuturing na ikatlong pinakapalpak pagdating sa paghuli at pagpaparusa sa mga media killers, kung saan may 56 kaso ng media killings sa loob ng 10 taon ang hindi nabibigyan ng hustisya.
Natagpuan ang bangkay ni Aposyol dalawang linggo matapos ang pag-alala sa ika-1000 araw na anibersaryo ng Maguindanao Massacre, kung saan 58 katao, kasama ang 32 media men ang piñatay o inilibing ng buhay.
Naganap ang nasabing massacre noong November 23, 2009 sa Maguindanao sa utos umano ng pamilya Ampatuan.
Nanawagan naman sa otoridad si ALAM President Bertene Causing na sana ay si Apostol na ang pinakahuling mamamahayag na mapapatay sa panahon ng panunungkulan ni Aquino.
Ngunit naniniwala din siyang hindi mahihinto ang pagpatay sa media kung napakatagal bago mahuli ang mga killers nila at hindi pa sila naparurusahan ng tama. (Nenet Villafania)