
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Aug. 22, 2012) – Patuloy na dumarami ang mga batikos at alegsasyon ng korapsyon sa ilalim ng pamunuan ni dating party-list congressman at ngayon acting governor ng Auitonomous Region in Muslim Mindanao na si Mujiv Hataman.
Kalat na rin sa social media network ang maraming batikos kay Hataman mula sa mga Muslim na todo ang bantay sa kilos ng pulitiko na kilalang malapit kay Pangulong Benigno Aquino.
Maging ang pribadong buhay ni Hataman ay nahahalungkat na rin ng mga bumabatikos sa kanya at sa pamamalakad nito sa ARMM. At pati website ng ARMM ay nabatikos na rin dahil s umano’y kulang-kulang na impormasyon nito at kadalasan ay out of order pa.
Sa Faceboon page na “ARMM WATCH” ay makikita ang mga samu’t-saring batikos at bintang at kadalasan ay halos hindi na ito masagot ni Hataman, at kung magbigay naman ito ng reaksyon ay mula sa kanyang cell phone na lamang at kalimitang sinasabi nito sa mga kritiko ay maglabas ng ebidensya o kaya ay magpunta sa kanyang tanggapan.
“Hindi naman kami manhid dahil ramdam ng mamamayang Moro kung seryoso na o puro pa-pogi lang ang ginagawa ni RG (Regional Governor) Hataman sampu ng mga POs niya. Marami kayang mga mahahalagang issues na hindi sinasagot. Silent on other issues like mining sa Tawi-Tawi province…bulok mna data portal…private armies…corruption sa ORG (Office of the Regional Governor)? Ganito ba ang isang transparent na government,” tanong pa ni Rheia Abdullah sa nasabing ARMM WATCH.
Binuweltahan naman ni Hataman ito at sinabing: “Hinahamon kita at sabihin mo sa akin isa-isa at anong agency na may nangyayaring korapsyon. Mas mainam at malaking bagay sa pamumuno namin kung kay among patunayan…heto advise ko sa iyo, maghanap ka ng butas at sabihin mo sa akin na may paglabag…”
Inilutang rin ni Fred Datucon ang diumano’y P3.2 milyong CCTV scam sa opisina ni Hataman at sinabi pa nitong may usap-usapan na hindi umano dumaan sa Bidding and Awards Committee na pinamumunuan naman ng chief of staff ni Hataman. Depektibo umano ang mga CCTVs.
Pinasinungalingan naman ito ni Hataman. “P3.2 million? Are you sure? Please send me evidence at hindi makakalusot yan at wala pang binabayaran sa CCTVs. Huwag po kayong magalala at pag umabot sa ganyan at hindi kom po papabayaran dahil mura lang angf CCTV,” sagot naman ni Hataman.
Ngunit tahimik naman ito sa kung bakit ang chief of staff niya ang diumanbo’y nakaupo bilang chairman ng BAC.
Ilang ulit na rin itinanggi ni Hataman ang mga bintang laban sa kanya ngunit lalo lamang na dumarami ang mga alegsasyon na ibinabato sa dating aktibista. Ilan lamang ito sa mga pakitan ng maraming asunto sa ARMM. (Mindanao Examiner)