
KIDAPAWAN CITY (Mindanao Examiner / Aug. 11, 2012) – Binomba umano ng mga rebeldeng Muslim ang tatlong lugar sa Maguindanao at North Cotabato province sa magulong rehiyon ng Mindanao.
Walang inulat na sugatan o nasawi ang militar sa pambobombang naganap gabi ng Biyernes sa bayan ng Datu Odin Sinsuat na hindi kalayuan sa kampo ng 6th Infantry Division.
Dalawang pagsabog rin ang naganap sa Kabacan at M’lang, pawang mga bayan sa North Cotabato. At hinihinalang kagagawan umano ito ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement na siyang nakikipagsagupaan sa puwersa ng militar sa Maguindanao mula pa nuong Linggo ng gabi.
Walang umako sa atake, subali’t patunay naman ang pambobomba na may butas sa siguridad na pinaiiral ng militar at pulisya sa dalawang lalawigan.
Nakikibaka ang BIFM, na tumiwalag sa mas malaking grupo ng Moro Islamic Liberation Front, upang maitatag ang isang independent state. Si Ameril Umra Kato, na dating lider ng MILF, ang siyang bumuo ng BIFM, ngunit nagkaroon naman ito ng stroke, at ngayon ay si Mohd. Alih Tambako, ang siyang umuupong pinuno ng rebeldeng grupo. (May dagdag na ulat si Geonarri Solmerano)