
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / July 24, 2012) – Umalma kahapon ang mga tanod sa Zamboanga City matapos na mabatid na kulang ang ibinigay sa kanilang Christmas bonus ng kanilang barangay treasurer.
Sa halip na P5,000 ay halos P1,100 lamang ang natanggap ng mga tanod ng Barangay Tugbungan at ang masakit pa nito ay inamin ng barangay treasurer na nakilalang si Melanie Jubaira na siya mismo ang nagpapalit ng tseke sa isang tindahan lamang.
Sa panayam ng Radyo Agong ay itinuro naman ni Melanie ang Barangay Chairman na si Agustin Graciano, Jr. na siyang nag-utos sa kanya at katunayan ay ibinigay pa nito ang salapi sa opisyal. Hindi naman agad makunan ng pahayag si Graciano ukol sa eskandalo.
“Wala naman akiong magawa kasi utos lang sa akin ito at appointed official lang ako,” ani Melanie.
May 17 barangay tanod ang Tugbungan at ilan pa ang mga may job order. Ayaw naman sabihin ni Melanie kung magkano ang kabuuang tseke na ipinalit nito sa tindahan na nagkaltas pa ng komisyon.
Idinahilan pa nitong may internal arrangement umano sa tanggapan ng barangay na paghati-hatiin ang bonus sa lahat ng mga tanod at casual workers, ngunit itinanggi naman ito ng mga tanod.
Idudulog umano ng mga tanod ang kanilang reklamo sa mga kinakuukulan upang maimbestigahan ang kaso. Hindi naman mabatid kung ilan sa 98 barangay sa Zamboanga ay may kahalintulad na kaso. (Mindanao Examiner)