
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / July 20, 2012) – Sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army ang isang payloader ng White House construction firm sa bayan ng Tigbao sa Zamboanga del Sur matapos na umano’y mabigo ang may-ari nitong magbigay ng “revolutionary taxes” sa mga komunista.
Kinumpirma naman ng 1st Infantry Division ang naturang atake ng NPA na naganap dakong alas 9 ng gabi nitong Huwebes sa Barangay Guinlin. Agad na tumakas ang apat na rebelde matapos na sunugin ang construction equipment na pagaari ni Wilson Co.
“Mukhang extortion ang dahilan nito kung kaya’t sinunog nila ang payloader,” ani Capt. Albert Caber, ang spokesman ng Western Mindanao Command, sa Mindanao Examiner.
Ipinag-utos rin ni Maj. Gen. Ricardo Rainier Cruz, ang division commander, na hanapin ang mga salarin. “Our commander urged concerned units to be of help to the police in its law enforcement functions through the Joint Peace and Security Coordinating Center. The Tigbao police force is also investigating the incident,” wika pa ni Caber.
Nitong Abril lamang ay sinibak sa kanyang puwesto ang hepe ng pulisya sa lalawigan na si Supt. Jose Gucela matapos na lusubin ng tinatayang 40 mga rebelde ang kampo ng pulis sa Tigbao at malimas ang maraming armas at ang pagkakabihag kay PO2 Juhali Faisal.
Matagal ng nakikibaka ang NPA upang maitatag ang sariling estado sa bansa. (Mindanao Examiner)