
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 23, 2012) – Nanindigan ang mga awtoridad sa Sulu at Mindanao na malayang nakakaikot sa mga kampo ng teroristang Abu Sayyaf at Moro National Liberation Front ang Al-Arabiya television news crew matapos ng mga balitang binihag na ito sa naturang lalawigan.
Ito’y sa kabila ng biglang pahayag ng Jordan na dinukot si Baker Atyani, ang Pakistan bureau chief ng Al-Arabiya TV, at ang kasamahang sina Rolando Letrero at Ramelito Vela na parehong Pinoy.
Unang inulat na nawawala ang mga ito nuong June 12 pa matapos na sikretong makipagkita sa Abu Sayyaf sa kabundukan.
“Hindi dinukot o binihag ang mga iyan at sa katunayan ay may mga intell reports kami na palipat-lipat ng kampo ang grupo nitong si Atyani. May mga interviews na sila sa mga lider ng Abu Sayyaf at MNLF at ang huling nasa listahan nila ay si Khabir Malik,” ani Army Lt. Col. Randolph Cabangbang, ang spokesman ng Western Mindanao Command, sa panayam ng Mindanao Examiner sa Zamboanga City.
Si Malik ay isang commander ng MNLF at kaalyado ni Nur Misuari, ang lider ng dating rebeldeng grupo.
Pinasingungalingan rin ni Cabangbang na dinukot ang tatlo. “Hindi kasi natin malaman bakit ang mga terorista ang kanilang ini-interview,” tanong pa ni Cabangbang.
Nasa grupo rin ng Abu Sayyaf sa Sulu ang mga nagtatagong Malaysian at Indonesian bombers ng Jemaah Islamiya at posibleng kabilang rin ito sa documentary na ginagawa ni Atyani.
Ni wala rin umanong komunikasyon ang Al-Arabiya TV sa Western Mindanao Command at Philippine National Police, ayon kay Cabangbang.
Malaking problema naman ang dala nito sa Sulu, ayon kay Gov. Sakur Tan dahil nabibigyan umano masamang imahen ang lalawigan dahil sa sikretong pagpasok ng Al-Arabiya news crew sa lungga ng Abu Sayyaf.
“Tahimik kami dito at nagpunta lamang itong si Atyani sa Sulu para magtungo sa Abu Sayyaf eh hindi na nga pinaguusapan yan dito at tapos heto ngayon. Kung mangugulo lamang si Atyani ay sana huwag na lang siyang pumunta sa Sulu at tahimik kami dito,” ani Tan na kilalang relihiyoso at pilantropo sa Mindanao.
Sinabi ni Tan na nahahabag ito sa dalawang Pinoy na kasama ni Atyani dahil nagpagamit ang mga ito sa dayuhan. “Ang concern natin ngayon dito ay yun dalawang Pinoy na kasama ni Atyani at kababayan natin ito,” wika pa ng opisyal sa Mindanao Examiner.
Naunang sinabi sa Mindanao Examiner ni Sr. Supt. Antonio Freyra, ang hepe ng provincial police force, na walang kumpirmasyon ang lahat ng balita na binihag si Atyani.
“Wala pa tayong confirmation na binihag na nga ang news crew at hanggang ngayon ay missing pa rin ang aming turing sa kanila until such time na may admission ang Abu Sayyaf na binihag nito ang grupo,” ani Freyra. (Mindanao Examiner)