
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 20, 2012) – Isang estudyante ng Ateneo de Zamboanga ang nawalan ng cell phone kanina matapos na diumano’y nakawin ito sa kanya ng isa sa 3 pasahero na isinakay ng driver ng kanilang school service.
Patakaran ng Ateneo de Zamboanga na walang dapat na outsider o pasaherong iba ang mga school service na gamit nito sa paghahatid at sundo ng mga estudyante.
Nagulat na lamang umano ang biktima ng malaman nitong nasikwat na sa kanya ang cell phone ng makarating ito sa Ateneo de Zamboanga (College at Elementary) sa downtown mula sa Ateneo de Zamboanga (High School) sa Barangay Tumaga, na halos 10 kilometro lamang ang layo.
Hindi umano namalayan ng estudyante na ninakaw na ang cell phone nito na inilagay sa tabi ng kanyang bag at ayon sa pahayag ng biktima sa kanyang reklamo ay 3 lalaki umano ang isinakay ng driver at umupo sa tabi nito ang isa.
Ang masakit pa nito ay sinabi pa ng magnanakaw sa boyfriend ng biktima – na nag-text sa cell phone ng nobya – na bumili na lamang ng bagong unit ang estudyante at hindi na nito ibabalik pa ang sinikwat.
Hindi naman agad makunan ng pahayag ang liderato ng Ateneo de Zamboanga upang mabatid kung bakit nagsakay ng pasahero – na hindi naman estudyante ng paaralan – ang naturang driver.
Masuwerte na lamang umano ay hindi kidnappers thrill killers ang 3 lalaki na isinakay sa school service. Hindi naman agad mabatid kung malimit ba itong maganap at hindi lamang naibabalita sa Zamboanga City. (Mindanao Examiner)