
Si Albert Johann Jacildo, ang regional director ng Mines and Geosciences Bureau, habang nakaturo sa pulang mapa ng Bayog sa Zamboanga del Sur na kung saan ay makikita ang Balabag na umano’y nanganganib dahil sa landslides, at ang lugar na kung saan ay may mga illegal mining. (Mindanao Examiner Photo)
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / May 11, 2012) – Inuga ng lindol kaninang umaga ang lungsod ng Pagadian sa Zamboanga del Sur sa Western Mindanao, ngunit wala naman inulat na sugatan o nasira sa pagyanig.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology ay naitala ang lindol sa 4.1 magnitude sa Richter scale at sentro ay halos 56 kilometro sa silangan ng naturang lugar.
Dakong alas 5.49 n.u. ng ito’y maramdaman at sinabi ng ahensya na tectonic ang dahilan ng lindol at tinatayang nasa 16 kilometro ang lalim sa pag-galaw ng lupa.
Peligroso
Ikinakatakot naman ito ng mga awtoridad na kung magkakaroon ng malakas na lindol sa Zamboanga del Sur, partikular sa bayan ng Bayog, ay magdulot ito ng malaking trahedya dahil sa nakaambang panganib sa kabundukan ng Balabag na kung saan ay talamak ang illegal mining.
Halos dalawang oras lamang ang layo ng Balabag sa Pagadian City.
Marami na ang nalibing ng buhay sa Balabag dahil sa mga gumuhong tunnels na hinukay ng mga illegal miners sa kanilang paghahanap ng mga ginto.
Sinabi ng Mines and Geosciences Bureau na lubhang mapanganib ang Balabag dahil prone ito sa mga rock falls at landslides sanhi na rin ng illegal mining activities doon.
Dedma
At bagamat naglabas na ang MGB ng kautusan nuong nakaraang buwan pa na ipatigil ang lahat ng illegal mining doon ay wala naman ginagawang aksyon ang pamunuan ng militar at pulisya sa hindi malaman na kadahilanan.
Tinatayang daan-daan pamilya ang nasa pangangalaga ng mga financiers ng illegal mining sa Balabag at talamak rin diumano ang suhulan at lagayan sa lugar upang hindi magambala ang mga negosyo doon. (Mindanao Examiner)