
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 2, 2012) – Talamak na naman diumano ang ilegal na pasugalan sa Zamboanga City na kung saan ay sinasabing protektado ito ng ilang mga armadong grupo.
Tinukoy naman ng isang intelligence report ng pulisya ang Barangay Recodo na kung saan ay namamaygapag ang mga pasugalan kabilang na rito ang “bar-bar,” isang uri ng mini slot machine na kahalintulad ng mga matatagpuan sa mga casino; at ang “swetres” o “last 3” na kung saan ay numero ng mga nagwaging lotto draws ang siyang basehan nito.
Nabatid pa na nagbibigay umano ng protection money ang operator ng “bar-bar” sa halagang P500 bawat lingo sa ilang mga grupo at tinatayang nasa 300 ang bilang ng mga slot machines sa naturang barangay pa lamang.
Talamak rin ang bentahan ng droga, partikular sa Recodo na binansagang “shabu tiangge” at ilan sa mga kilalang drug lords doon ay may mga proteksyon umanong nakukuha mula sa pulisya.
Nuong nakaraang lingo lamang ay nagbarilan doon at isang parak ang patay at isa rin ang sugatan matapos na mabigo ang mga awtoridad na mahuli ang isang drug lord.
Isang parak na umano’y nagbibigay ng proteksyon sa isang drug lord ang ngayon ay nagtatago na matapos na unguso ito ng mga kapwa pulis na siyang pumigil sa nasabing raid kung kaya’t nakatakas ang suspek.
Problemang malaki rin umano ang turf war sa pagitan ng mga drug lords sa Zamboanga City at ilan sa mga miyembro ng awtoridad ang diumano’y nagbibigay ng proteksyon sa mga ito. Maging ilang opisyal ng naturang barangay ay sabit rin diumano sa droga, ngunit hindi naman agad makupirma ang mga alegasyon na nasa intelligence report. (Mindanao Examiner)