
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / Apr. 24, 2012) – Nilusob ng mga rebeldeng New People’s Army ang isang tanggapan ng security agency sa lungsod ng Butuan sa Mindanao.
Sa ulat ng militar ay sinasabing nilimas ng mga rebelde ang armas ng Earth Saver Security Agency sa Barangay Libertad ng ito’y pasukin nitong Lunes ng gabi. Hindi na umano nakapalag o nakaporma ang mga security guards ng naturang kumpanya dahil sa dami ng mga rebelde.
Hindi naman sinabi sa ulat ng Philippine Army kung ilan ang natangay na mga armas ng NPA, subalit nasimot umano ang arsenal ng security agency. Hindi rin mabatid kung paanong nakapasok sa lungsod ang mga rebelde gayun may mga checkpoints naman sa kapaligiran ng Butuan.
Wala pang pag-ako ang NPA sa naganap, ayon pa sa narturang ulat, ngunit inalertuhan na ng pamunuan ng militar ang mga tropa at detachments nito sa Butuan upang maging handa palagi sa posibleng paglusob ng mga rebelde.
Ilang dekada na rin nakikipaglaban ang NPA sa pamahalaan dahil sa layunin nitong makapagtatag ng sariling estado sa bansa.
Maraming beses na rin itong nakipagusap ng kapayapaan sa pamahalaan subalit palagi naman bigo ang negosasyon dahil sa mga kahilingang ng NPA at kabilang dito ay ang pagpapalaya sa lahat ng political detainees sa bansa, kabilang ang mga commander nito na sabit sa mga pamamaslang. (Mindanao Examiner)