
Ang mga larawan na kuha ni Maike Domingo at ngayon ay kalat sa social media network na kung saan ay makikita ang mga turista na naka-posing sa itaas ng krus.
PAGADIA CITY (Mindanao Examiner / Apr. 9, 2012) – Umani ng sari-saring batikos sa social media ang mga larawan ng krus na ginamit sa “Passion of Christ” ngunit pinagpistahan naman ng mga turista at nagpakuha pa ng mga litrato na kunwa’y nakapako sila sa simbolo ng Kristiyanismo na tila baga’y nagpenitensya rin.
Naging “viral” na rin ang 5 larawan sa Facebook at umani ito ng napakaraming batikos mula sa mga nakakita nito. Ngunit hindi pa rin makilala ang mga nag-posing sa itaas ng krus, subali’t ang mga larawamn ay kuha ni Maike Domingo na pinaniniwalaang sa Pampanga.
Isang larawan ay nagpapakita na naka-posing pa ang isang babaeng naka-maong shorts, shoulder bag at sun glasses habang nasa harapan ng maraming tao na tila hindi alintana ang nagaganap o naghihintay na sila naman ang susunod.
Ang isa naman ay tila turistang dayuhan at ang ikatlo ay Pilipinong nakasuot pa ng bonnet.
“Well, that’s really bad, Semana Santa was the week of sacrificing, not for enjoying,” ani naman ni Darlene de Paz sa kanyang komento sa mga larawan na makikita sa URL na ito: http://www.facebook.com/maikedomingo.
Sa kanyang komento ay sinabi naman ni Bro. Martin Francisco na nabastos ang pananampalataya ng marami sa naging asal ng mga turista.
“Grabe naman ito, e ginagawa ng komersyo at simpleng turismo ang ating pananampalataya. Hindi man lang iginalang ang Semana Santa, e kung talagang gusto niyang sumunod kay Kristo sapat na yun maging matulungin sa mga mahihirap at tumulong sa pagsagip ng kalikasan. Dapat matigil ang ganitong pa-show off,” ani pa ni Bro. Francisco.
Hindi pa rin makilala ang mga turistang nag-posing sa itaas ng krus at kung bakit nila ito ginawa. (Mindanao Examiner)