
ZAMBOANGA DEL SUR (Mindanao Examiner / Mar. 29, 2012) – Lumalala na ng husto ang sitwasyon sa kabundukan ng Balabag sa bayan ng Bayog sa Zamboanga del Sur dahil sa walang humpay na pagpuslit ng mga pampasabog at cyanide na ginagamit ng mga ilegal na small scale miners sa pagkuha ng ginto.
Lalong nakapagbigay ng problema ang kawalan ng patrulya ng mga sundalo sa naturang lugar na kung saan ay tadtad na ng mga tunnels ang malaking bahagi ng bundok at sa paligrong banta ng landslide dahil nasa danger zone ang nasabing lugar base na rin sa ulat ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources.
Napagalaman pa na sabit rin diumano sa ilegal mining ang ilang mga opisyal ng pamahalaan sa naturang bayan at naglabas na rin ng kautusan ang Department of the Interior and Local Government na imbestigahan ang naturang alegasyon, ayon kay Leo Santillan, ang tagapagsalita ng Zamboanga del Sur provincial government.
“Malaking problema ang dala nitong mga illegal mining activities at hindi lamang sa kalusugan ng mga tao, ngunit maging sa kapaligiran. May resolusyon na nga ang Zamboanga del Sur Provincial Board na imbestigahan ang mga sabit sa illegal mining dahil may order na rin ang DILG about this. Grabe talaga ang sitwasyon sa Balabag,” ani Santillan sa panayam ng Mindanao Examiner.
Walang humpay rin ang pagpupuslit ng mga blasting caps at ammonium nitrate, nitric acid at cyanide na ginagamit ng mga illegal miners sa paggawa ng mga tunnels. Maging ang mga smuggling ng armas ay talamak rin diumano at nasa pangangalaga ng mga nasa likod ng illegal mining.
Hindi naman mabatid kung bakit walang nagpapatrulya sa Balabag gayun kalat sa kabundukan ang illegal mining at pagpasok ng mga pampasabog tulad rin ng mga dinamita. Galing umano sa Davao City at sa labas ng bansa ang mga ito.
Naglabas rin ng resolusyon ang 6 na barangay sa kapaligiran ng Balabag, kabilang ang Barangay Depore na siyang may sakop dito, at nanawagan ang mga opisyal nito kay Pangulong Benigno Aquino na ipatigil na ang illegal mining sa bundok na halos dalawang dekada na umanong namamayagpag.
Polluted na umano ang maraming lawa dahil sa tailings o chemical waste mula sa cyanide at mercury na sangkap na siyang ginagamit ng mga small scale miners sa paghiwalay ng ginto sa batong dinurog mula sa mga tunnel, ani Depore Barangay Kagawad Ernesto Mancao.
“Iyan lawa namin sa lawa eh hindi mo makikitang malinaw ang tubig diyan at dilaw ang kulay niya dahil sa dalang polusyon ng mga illegal miners diyan sa bundok,” sabi pa ni Mancao sa hiwalay na panayam.
Marami na rin umanong buhay ng mga ‘abanteros’ o mga trabahador sa illegal mining ang nawala dahil sa landslides at pagguho ng mga tunnels. Nanawagan rin ito kay Pangulong Aquino na ipatigil ang talamak na illegal mining sa Balabag.
“Matagal na po namin hinihingi sa gobyerno yan at muli kaming nananawagan sa mahal na Pangulong Noynoy Aquino na ipatigil na po ang illegal mining diyan sa Balabag para sa kapakanan naming lahat,” wika pa ni Mancao.
Wala rin humpay ang paggamit ng mga child laborer sa Balabag at binabayaran ang mga ito ng P20 sa bawat sako ng tinibag na bato na kanilang makukuha sa tunnel. Hindi naman mabatid agad kung bakit walang aksyon ang Department of Social Welfare and Development na iligtas ang mga bata na may mga edad mula 10 hanggang 17 anyos.
Kalat rin sa lugar ang prostitusyon dahil sa mga minerong mula pa sa ibat-ibang lugar sa Mindanao at doon na nagtatrabaho at naninirahan sa Balabag. Daan-daang pamilya o maaring libo ang bilang mga pamilyang may kinalaman sa illegal mining doon. (Mindanao Examiner)