
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 25, 2012) – Isang diarrhea outbreak ang inulat ng mga awtoridad sa ilang mga barangay sa bayan ng Salvador sa Lanao del Norte province sa Mindanao.
May ulat rin na umabot na sa 11 ang bilang ng mga nasawi at ilang dosena pang kaso ng diarrhea ang ngayon ay tinututukan ng Department fof Health. Ang bilang ng mga casualties ay nagsimula pa nitong buwan at malaki ang hinala na maruming tubig ang siyang dahilan nito.
Nabatid pa na karamihan sa mga biktima ay gumagamit ng tubig mula sa Salog River na kontaminado naman ng ibat-ibang bacteria at kabilang dito ang e-coli na kalimitang nakukuha mula sa mga dumi ng hayup at tao.
Kulang rin umano sa mga potable water system ang naturang bayan kung kaya’t marami sa mga residente na nakatira tabing-ilog ay doon na lamang kumukuha ng maiinom at pang-luto.
Nanawagan naman ang mga awtoridad na iwasan ang pag-inom ng tubig mula sa ilog dahil sa mga bacteria na nakukuha doon. At kung tubig-balon naman ay dapat itong pakuluaan ng maiigi bago inumin.
Ito rin ang reklamo ng mga residente sa Zamboanga City dahil sa maruming tubig na lumalabas sa gripo, partikular sa tuwing malakas ang ulan at kung may bagyo. Marami na rin ang na-ospital dahil sa diarrhea.
Ngunit ang malimit rin na isisi ng Zamboianga City Water District ang maruming tubig sa malakas na buhos ng ulan at hindi sa kanilang kapabayaan. (Mindanao Examiner)