
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 24, 2012) – Todo ang pagsisisi ng isang ama matapos na aksidente nitong mabaril at mapatay ang sariling anak sa kanilang bahay sa Butuan City sa Mindanao.
Ayon sa ulat ng pulisya ay naglilinis umano ng kanyang .45-caliber pistol si Romeo Ranoco ng biglang pumutok ito at mahagip ang 8-anyos na anak na babaeng si Jelly.
Naganap ang aksidente kamakalawa ng gabi at naitakbo pa umano ng ama ang biktima sa pagamutan bago ito sumuko sa batas. Sa dibdib umano natamaan ng bala ang bata.
Hindi naman agad mabatid kung bakit hindi tinanggal ni Romeo ang magazine ng baril bago ito nilinis. Nahaharap sa kasong kriminal ang ama dahil sa naganap. (Mindanao Examiner)