
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 24, 2012) – Sa kabila ng halos 8 oras na blackout sa Zamboanga ay malakas pa rin ang paninindigan ng maraming mga residente at ibat-ibang organisasyon kontra sa pagtatayo ng coal-fired power plant sa naturang lungsod.
Ang Conal Holdings Corporation ang siyang nasa likod ng 100-megawatt fossil fuel power plant na itatayo sa Barangay Talisayan, halos 20 kilometro ang layo sa sentro ng lungsod.
Ngunit maging mga residente ng nasabing lugar sa pangunguna ni Barangay Captain Josephine Pareja ay ilang beses ng nag-rally bilang protesta sa naturang power plant na magdudulot ng malaking pinsala sa kapaligiran dahil sa polusyon na kaakibat ng coal-fired power plant.
“Marumi yan coal at talagang ayaw namin diyan at hindi kami titigil sa aming protesta,” ani Pareja.
Ilang beses na rin umano itong pinagsabihan ng mga ka-alyadong pulitiko ukol sa kanyang katayuan ngunit dedma lamang ito at pinaninindigan ang katayuan ng barangay kontra sa P12-bilyon power plant.
Maging ang grupong Karapatan at Greenpeace ay tutol rin sa coal-fired power plant at ilang beses na rin sumama sa rally.
Ngunit pabor na pabor naman ang karamihan sa mga konsehal ng lungsod sa power plant, subali’t suportado naman ng minoryang oposisyon ang katayuan ng mga residente sa Talisayan.
Halos kalapit lamang ng Zamboanga Special Economic Zone and Free Port Authority ang nasabing power plant.
Ngunit wala naman negosyo ang eco-zone at sa katunayan ay binansagan itong “white elephant” sa laki ng salaping nagastos sa mga proyekto nito, subalit wala naman mga investors dahil sa malaking problema sa peace and order sa Zamboanga.
Umaabot sa halos 100 megawatts ang konsumo ng Zamboanga sa kuryente at hindi naman kayang ibigay ng National Power Corporation ito at umaabot lamang sa mahigit kalahating porsyento ang supply nito sa lungsod.
Isinusulong naman ng mga environmentalists ang renewable energy sa Zamboanga City. (Mindanao Examiner)