
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 17, 2012) – Walong katao ang nasawi at maraming iba pa ang sugatan matapops na bumaligtad ang isang delivery truck na may kargang mga gulay sa lalawigan ng Bukidnon.
Patungo umano sa Cagayan de Oro City ang truck kasama ang mga pasahero at may-ari ng mga paninda ng biglang sumabog ang gulong nito at bumaligtad ang truck at sumadsad pa sa canal. Naganap ang trahedya bago magtakip-silim nitong Biyernes sa bayan ng Talakag.
Sinabi ng pulisya na karamihan sa mga nasawi ay naipit ng truck, kabilang ang isang batang babae na kasama ng kanyang magulang. Nasa ibabaw umano ang mga ito ng kanilang mga paninda kung kaya’t nahagip ng bumaligtad ang truck sa Barangay Salucot.
Mahigit sa isang dosena ang sinasabing sugatan sa aksidente, kabilang ang driver ng truck. May ulat rin na pumalya ang preno ng truck at patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa tunay na naganap.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatan. (Mindanao Examiner)