
MARAWI CITY (Mindanao Examiner / Mar. 10, 2012) – Nakilala na ng mga awtoridad ang pumatay sa prominenteng negosyanteng Tsinoy sa bayan ng Malabang sa Lanao del Sur.
Sinabi ni Col. Daniel Lucero, commander ng Philippine Army sa lalawigan, ay may warrant of arrest na rin na inilabas ang korte sa pagdakip kay Alrashid Kibad Solaiman Abdul, 18, alias “SULO” na siyang itinuturong nasa likod ng pagpaslang kay Vic Ong, 63, nuong Pebrero 28.
Pinatay si Ong sa kanyang tindahan sa “Chinatown” sa Barangay Bacayawan at sinisilip ang angulong extortion at business rivalry ang motibo sa pagpaslang sa negosyante.
Sinabi ni Lucero na kilalang mabait si Ong at matulungan sa kapwa. Dekada 60 pa umano itong naninirahan sa Malabang at church leader ng Our Lady of Peace of Good Voyage.
Nagsilbi rin itong mediator sa pagresolba sa mga away pamilya sa Malabang.
“May warrant of arrest na at pinaghahanap na rin natin itong si Alrashid and we are working side by side with the local police force para madakip agad sa lalong madaling panahon ang killer at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Mr. Ong,” ani Lucero sa Mindanao Examiner.
Nitong Marso 8 lamang nailabas ang warrant of arrest sa kasong pagpatay laban kay Alrashid at mismong si Judge Rasad Balindong, ng Regional Trial Court Branch 12 sa Lanao del Sur ang naglabas ng order. (Mindanao Examiner)