
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 6, 2012) – Tinawag ni Acting Governor Mujiv Hataman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na isang pagpapahiwatig ng karuwagan ang mga serye ng pambobombang naganap sa lungsod ng Cotabato nitong mga nakaraang araw.
Ayon pa kay Hataman, hindi malayong nasa likod ng nasabing pagpapasabog ang mga taong tutol sa repormang ipinapatupad ng kanyang administrasyon laban sa katiwalian.
Bago pa man maitinalaga ni Pangulong Benigno Aquino si Hataman bilang acting governor ay laganap na umano ang bentahan ng posisyon o plantilla sa mga guro at pagbabayad sa pasahod ng mga “ghost teachers” o di kaya ay mga eskwelahang hindi naman totoong naitayo at pinapasukan ng mga mag aaral.
“Nanawagan na tayo ng isang masusing pagsisiyasat patungkol dito sa serye ng pambo-bomba at pasalamat tayo sa maagap na pagresponde at kooperasyon mula sa ating kapulisan at sa iba pang hanay ng ating security sector,” ani Hataman sa pahayag na ipinadala sa Mindanao Examiner.
Tiniyak ni Hataman na hindi ito natatakot sa mga ganitong paninindak na maaring salungat sa pagsusulong nya ng makabuluhang reporma sa ARMM.
Naunang sinabi ng 6th Infantry Division na may bahid pulitika ang serye ng pambobomba sa Cotabato, ayon sa ulat ng Radyo Bombo.
Sinabi diumano ni Colonel Prudencio Asto, ang tagapagsalita ng 6th Infantry Division, na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na sentro ng pag-atake ay ang regional seat of gov’t ng ARMM.
Pakana lamang diumano ito ng mga pulitiko na ayaw sa pamumuno ni Hataman.
Bigla rin lumutang ang grupong Bangsamoro Independence Movement at Bangsamoro Youth Movement na siyang sinasabing nasa likod ng mga atake.
Matatandaang nagsimula ang mga serye ng pagsabog sa lugar ng i-appoint ng Pangulo ang kaibigan nitong si Hataman bilang Officer-In-Charge ng ARMM dahil sa kawalan ng tiwala ng pamahalaan kay ARMM Vice Gov. Ansaruddin Adiong na siyang OIC ng makulong si ARMM Gov. Zaldy Ampatuan dahil sa pagkakasabit nito sa masaker ng 57 katao nuong 2009 sa Maguindanao province.
Bago pa man ang mga consultation sa Mindanao at selection process na inilunsad ng ARMM kung sino ang magiging OIC ay napili na umano si Hataman dahil sa pagigng malapit nito kay Aquino at ‘moro-moro’ o palabas na lamang ang naganap upang papaniwalain ang publiko na ang dating kongresista ang siyang gusto ng mga Muslim na mamuno sa kanila.
Hindi naman kumbinsido si Hataman sa naturang angulo ng militar at kahit bago umano ito umupo ay may mga bombahan na doon. (Mindanao Examiner)