
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 6, 2012) – Ipinukol ng militar sa New People’s Army ang pagkamatay ng dalawang sundalo sa North Cotabato matapos silang maputukan ng landmine sa bayan ng Makilala.
Nasawi ang dalawa dahil sa tinamong mga shrapnel wounds sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan sa pagsabog na naganap sa Barangay Buhay nitong Lunes ng umaga lamang.
Nasa patrulya ang mga tropa ng army sa ilalim ng 40thInfantry Battalion ng sila’y pasabugan ng mga rebelde.
Hindi naman ibinigay ng militar ang mga pangalan ng biktima dahil ipaalam muna ito sa kanilang pamilya, ngunit ayon naman sa ibang mga ulat ay nakilala ang mga ito na sina PFC. Isnirol Musa at PFC. Celestino Alejandro Jr, at sugatan naman ang kanilang informant na si Postilo Egkil, ngunit nahulog naman ito sa bangin sa kanyang pagtakas.
Itinanim umano ng NPA ang landmine na matagal ng ipinagbabawal sa buong mundo, ayon sa militar, ngunit ilang beses na rin itinanggi ng mga rebelde na sila’y lumalabag sa ban dahil command-detonated umano ang kanilang mga pampasabog. (Mindanao Examiner)