
KIDAPAWAN CITY (Mindanao Examiner / Mar. 6, 2012) – Dinakip ng pulisya ang isang lalaki na umano’y siyang sumaksak sa sariling ama matapos ng mainiitang pagtatalo tungkol lamang sa kalabaw na gamit ng pamilya sa kanilang pagsasaka sa bayan ng Matalam sa North Cotabato province.
Sinabi ng pulisya na humantong sa pagtatalo ang mag-ama matapos na igiit ng anak na si Ruben Juala sa kanyang ama na ibenta ang kalabaw at may paggagamitan umano ito sa salapi.
Ngunit nagmatigas ang amang si Juanito Juala at sinabing ang kalabaw ang tanging gamit sa kanyang pagsasaka. Dahil dito ay nagalit ang anak hanggang sa humantong sa pananaksak nito sa ama.
Maging ang ina nito na umaawat lamang sa anak ay nadamay at nasugatan rin sa kanyang noo. Mabilis na tumakas si Ruben, subalit naiitimbre naman agad ng mga kapit-bahay ang naganap sa pulisya at nadakip ito matapos ng pagtugis sa kanya.
Kasalukuyang nakapiit sa Kidapawan City si Ruben habang pinagiisipan pa ng ama at ina nito kung magsasampa ng kaukulang demanda laban sa sariling anak. Hindi naman mabatid kung gumagamit ng droga si Ruben. (Mindanao Examiner)