
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 2, 2012) – Nagprotesta ang dan-daang mga residenteng Muslim sa Basilan province dahil sa umano’y malawakang paglabag ng mga awtoridad sa karapatan ng mga inosenteng sibilyan doon.
Nagsama-sama ang ibat-ibang grupo sa Isabela City at maging mga opisyal ng barangay at estudyante ay nakiisa rin sa naturang protesta laban sa malawanag ‘warrantless’ arrest ng mga diumano’y napagbibintangan o pinagdududahang miyembro ng Abu Sayyaf ay Moro Islamic Liberation Front.
Pinangunahan naman ng abogadong si Nixon Alonzo, ang founder at executive director ng Basilan Human Rights Action Network, ang nasabing protesta at nag-martsa pa ang mga ito sa ibat-ibang lugar doon upang kondenahin ang mga paglabag sa karapatan-pantao ng mga sibilyan.
Maging ang mga placards na bitbit ng mga raliyista ay kapuna-puna ang matinding emosyon sa mga pagmamalabis ng mga sundalo sa Basilan. Naunang inakusahan ng mga residente sa Basilan ang diumano’y panununog ng mga sundalo sa mga bahay ng silbilyan doon at ang walang pakundangang pag dampot sa mga pinaghihinalaang rebelde kahit pa ang mga ito’y inosenteng mga mamamayan.
Madalas umanong gamitin ng mga awtoridad sa kanilang pagdakip sa mga residente ang mga “John Doe” sa mga arrest warrant kung meron man. Daan-daang mga John Doe rin nakatala doon at kahit sino ay maaring damputin at pagbintangang rebelde o terorista.
Marami na umanong dinakip sa Basilan at agad itong dinadala sa mga kampo ng militar at pulisya lingid sa kaalaman ng kanilang pamilya. Kalimitan ay sa Camo Bagong Diwa sa Taguig City dinadala ang mga ito at may alegasyon pa ng torture upang paaminin ang mga dinakip sa kasalanang hindi naman nila ginawa.
Talamak ang kaso ng human rights violations ng militar sa Basilan, ngunit halos wala naman aksyon ang pamunuan ng Philippine Army at Western Mindanao Command sa mga ito at itinanggi rin ng mga opisyal ang mga bintang laban sa tropa. (Mindanao Examiner)