
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 2, 2012) – Patuloy ang paghahanap ng pulisya kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa isang principal ng paaralan sa Zamboanga City at blangko pa rin ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan nito.
Napatay si Wilson Recisio, ng Lumayang Elementary School, ng ito’y barilin ng di-kilalang armado habang pauwi sa kanyang bahay. Tinadtad ng bala ang katawan ni Recisio at ninakaw pa ang dala nitong laptop at cell phone at nawawala rin ang kanyang wallet.
Sakay ito ng kanyang motorsiklo ng tambangan sa kalsada. Sinisipat ng pulisya ang angulo ng pagnanakaw na posibleng motibo sa krimen, ngunit may mga ulat rin na baka may kinalaman sa babae ang pagpatay sa guro.
Hindi naman agad makunan ng pahayag ang asawa ni Recisio ukol sa krimen at kung may natatanggap ba na banta sa buhay ang principal. Halos araw-araw ang patayan sa Zamboanga City at karamihan sa mg kaso ay kinasasangkutan ng mga hired killers na hindi naman mahuli-huli ng pulisya. (Mindanao Examiner)