
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Feb. 27, 2012) – Sinimulan na umano ng pamahalaan ang negosasyon upang mapalaya sa lalong madaling panahon ang dalawang European wildlife photographer na dinukot sa lalawigan ng Tawi-Tawi nitong buwan lamang.
Ngunit tikom naman ang bibig ng mga opisyal ng militar at pulisya ukol sa progreso ng paguusap na pinangungunahan diumano ni Tawi-Tawi Gov. Sadikul Sahali. Naunang sinabi ng militar at pulisya na isang grupo ng mga Moro National Liberation Front members ang may hawak kina Ewold Horn, 52, mula Holland; at Lorenzo Vinciguerre, 47, ng Switzerland, at ransom umano ang motibo nito.
Hindi pa mabatid kung magkanong ransom ang hinihingi ng mga kidnappers, ngunit sa Naunang nilang demand ay pinaaalis ng mga ito ang militar at pulisya sa Tawi-Tawi, isa sa lalawigan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Wala naman inilalabas na update o media briefing man lamang si ARMM Acting Governor Mujiv Hataman.
Dinukot ng 5 armado ang nga dayuhan sa bayan ng Panglima Sugala nuong Pebrero 2 kasama ang kanilang Pinoy guide na si Ivan Sarenas, 35, na nakatakas naman.
Naunang sinabi ng pulisya na local group lamang ang tumira sa mga dayuhan. “They were abducted by locals and not the Abu Sayyaf,” wika pa ni Senior Superintendent Rodelio Jocson, ang hepe ng pulisya sa Tawi-Tawi.
“They are still here in Tawi-Tawi and the operation is continuing and we wanted this problem resolve as soon as possible,” dagdag pa nito. (Mindanao Examiner)