
MANILA (Mindanao Examiner / Feb. 3, 2012) – Muling nag-martsa sa mainit na lansangan ang mga kababaihan upang ihayag ang kanilang pagkadismaya sa palagiang kawalan ng aksyon ng gobyernong Aquino sa walang humpay na pagtaas ng preso ng produktong petrolyo, lalo na ng liquefied petroleum gas (LPG) na mula noong Miyerkules ay bumulusok na sa P6.50/kg ang presyo nito at pinakamalaki nang naitalang pagtaas sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
“Higit na mas mabilis ang Presidente kung patakbuhin ang kanyang mga race car kaysa aksyunan ang di-matatawarang pagtaas ng presyo ng LPG at mabigat na epekto nito sa mga consumer,” ani Lana Linaban, Secretary General ng grupong Gabriela, sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Naninindigan ang nasabing grupo sa ngalan ng mga consumer laban sa nagtataasang presyo ng mga produkto at serbisyo dahil sa sunud-sunod na oil price hike.
Ayon kay Linaban, kadalasang nagiging tagapagsalita ng mga oil companies ang gobyernong Aquino, sa pamamagitan ng Department of Energy, imbes na seryosong harapin ang kapakanan at kahilingan ng mamamayan. “Anumang panahon ay maaaring i-prioritize ng Malacanang ang pagbasura sa Oil Deregulation Law (ODL) sa pinamumunuan nitong LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council). Pero sa halip, pinapabayaan lang nito ang mga kumpanya ng langis na humakot ng pagkalaki-laking tubo sa kapinsalaan ng kapakanan ng mamamayan.”
Inilunsad ng Gabriela kaninang umaga sa kahabaan ng Carriedo sa Maynila ang ALTAPRESYO(N): Alerto sa Pagtaas ng Presyo Network, isang consumers campaign network na layong makalikom ng isang milyong pirma para sa pagbabasura ng ODL at pagtanggal ng E-VAT sa langis, mga batayang bilihin at yutilidad.
Ipinakilala rin ng kampanya sa publiko ang bagong karakter na si Gng. Gabriela Consumida – isang nanay na sawang-sawa na sa nagtataasang presyo ng mga consumer products at serbisyo na nanghihikayat sa iba pang consumer na sama-samang kumilos.
Pagkatapos nito, nagmartsa patungong Mendiola ang kababaihan para magprotesta sa kainutilan ni Aquino sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin at bayarin.
Ang 1-milyon signature campaign na ito sa ilalim ng panawagang “Presyo Kontrolin, E-VAT Tanggalin! ODL at E-VAT, Ibasura!” ay dudulo sa Marso 8, International Women’s Day.
Plano ng Gabriela na isumite ang petisyong ito sa Kongreso para obligahin ang mga mambabatas na pabilisin ang pagtalakay sa mga panukalang batas na naglalayong ibasura ang ODL at tanggalin ang EVAT langis at iba pang bilihin at bayarin, kabilang na ang LPG.
“Kung hindi kayang tulungan ng gobyernong Aquino ang mga consumer sa problema ng mataas na presyo ng mga bilihin at bayarin, gagawin ng kababaihan ang iba’t ibang paraan mula sa lansangan hanggang sa Kongreso, upang kalampagin ang Gobyernong Aquino na umaksyon, dahil hindi kailanman katanggap-tanggap sa amin ang higit na paghihigpit ng sinturon at gutom ng aming pamilya,” ani Linaban.