
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Jan. 30, 2012) – Sa kabila ng paghihigpit ng mga awtoridad kontra terorismo sa North Cotabato province ay nalusutan pa rin ang pulisya at militar at isang bomba na naman ang sumabog sa bayan ng Pikit.
Ngunit mabilis naman na sinabi ng mga awtoridad na walang nasawi o sugatan sa pagsabog ng isang mortar bomb sa Poblacion mismo ng naturang bayan na naganap kagabi.
Ayon sa pulisya ay itinanim ang bomba sa harapan ng palengke, subali’t wala naman umako sa atake. Sinisipat naman ng pulisya ang angulo ng extortion matapos nagsabi ang isang may-ari ng tindahan sa mga imbestigador na nakakatanggap umano ito ng mga banta ng pumalag sa pangingikil ng di-kilalang grupo sa lugar.
Wala pang linaw kung sino ang nasa likod ng pagsabog, subali’t marami na umanong mga grupo ang naglipana sa North Cotabato at humihingi ng salapi sa mga negosyante.
Tinitignan rin ng militar at pulisya ang pagkakasangkot ng mga rebeldeng Moro sa North Cotabato na ilang beses ng iniugnay ng mga awtoridad sa pangingikil at kidnappings for ransom.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente. Ilang beses ng pinasasabugan ang bayan ng Pikit at iba pang mga lugar sa North Cotabato sa mga nakalipas na panahon. (Mindanao Examiner)