DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Jan. 15, 2012) – No bail bond umano ang nahuling bombing suspek na inakusahan ng bigong pagpatay kay Sulu Gov. Sakur Tan.
Sinai ni Sulu police chief Antonio Freyra na walang bail ang kasong kinakaharap ni Timogen Tulawie alias Cocoy na ngayon ay nakabinbin sa lalawigan.
“No bail bond iyan dahil heinous crimes ang sangkot dito at dapat harapin ni Tulawie ang kanyang kaso dito sa Sulu at hinihintay na namin ang kanyang pagdating mula sa Davao City,” ani Freyra sa Mindanao Examiner.
Nadakip si Tulawie kamakalawa ng madaling araw sa kanyang hideout sa Barangay Catalunan Grande matapos na lusubin ng pulisya at militar ang kinalalagyan nito.
Isa umanong informant ang nagsumbong sa mga awtoridad ukol sa taguan ni Tulawie. May warrant of arrest si Tulawie na inilabas ni Judge Leo Princepe ng Regional Trial Court sa Sulu, dahil sa mga kasong kinakaharap.
Akusado si Tulawie sa May 2009 roadside bombing sa convoy ni Tan sa bayan ng Patikul town. Nakaligtas si Tan sa atake ngunit sugatan naman ito at gayun rin ang mayor ng bayan ng Pandami na si Hatta Berto at 9 iba pa.
Dalawang teroristang Abu Sayyaf na sina Juhan Alimuddin at Sulayman Muin na umano’y nagpasabog ng bomba ang nadakip rin ng pulisya sa Sulu nuong 2009 at inginuso si Tulawie na siyang nag-utos diumano sa kanila na patayin ang maimpluwensiyang si Tan.
Sinabi rin ng pulisya na suspect rin si Tulawie sa August 2012 suicide bombing sa Zamboanga City International Airport sa bigong pagpatay kay Tan at sa anak nitong si Samier na kalalabas lamang sa arrival area noon. Dalawang dating alkalde at isang pulitiko rin sa Sulu ang sinasabing may kinalaman sa pambobomba.
Kabilang si Tan sa halos 2 dosenang sugatan sa pambobobomba na ikinamatay ng bomber na si Reynaldo Apilado at isa pang kasamahan nitong si Hatimil Haron.
Naghain ng kaso ang pulisya laban kay Tulawie sa Sulu province at Zamboanga City kaugnay sa mga pambobomba na itinanggi naman ni Tulawie. Hindi pa rin makunan ng pahayag si Tan kaugnay sa pagkakadakip kay Tulawie. (Mindanao Examiner)